Ang Panahon ng Digmaan ng Zarahemla

Ang Paghihimagsik ni Morianton

Alma 50:25

Ang sumunod na taon, isang alitan ang umusbong sa silangang teritoryo.

At ito ay nangyari na, na sa pagsisimula ng ikadalampu at apat na taon ng panunungkulan ng mga hukom, na nagkaroon din sana ng kapayapaan sa mga tao ni Nephi kung hindi dahil sa isang alitang naganap sa kanila hinggil sa lupain ng Lehi, at sa lupain ng Morianton, na nagdurugtong sa mga hangganan ng Lehi; kapwa nasa mga hangganan ng dalampasigan.

Alma 50:26–27

Dalawang karatig na lupain, Lehi at Morianton, ay sangkot sa alitan hinggil sa mga hangganan ng lupain—ang mga tao ng Morianton ay nagsimulang gumamit ng dahas, at ang mga tao ng Lehi ay lumikas papunta sa kuta ni Moroni upang humingi ng tulong pangdipensa.

Sapagkat masdan, ang mga taong nagmamay-ari sa lupain ng Morianton ay nag-angkin ng isang bahagi sa lupain ng Lehi; anupa’t nagsimulang magkaroon ng mainit na alitan sa pagitan nila, hanggang sa ang mga tao ng Morianton ay humawak ng mga sandata laban sa kanilang mga kapatid, at nagtika sila sa pamamagitan ng espada na patayin sila.

Subalit masdan, ang mga taong nagmamay-ari sa lupain ng Lehi ay nagsitakas patungo sa kuta ni Moroni, at humingi ng tulong sa kanya; sapagkat masdan hindi sila ang nasa kamalian.

Alma 50:28–29

Natatakot na kaharapin ang mga pangkat ni Moroni, si Morianton (ang nagtatag sa lupain ng Morianton) ay nagpasyang lisanin ang lupain upang angkinin ang lupain sa kahilagaan.

At ito ay nangyari na, nang ang mga tao ng Morianton, na pinamumunuan ng isang lalaki na nagngangalang Morianton, ay natuklasan na ang mga tao ng Lehi ay nagsitakas patungo sa kuta ni Moroni, sila ay labis na natakot at baka ang hukbo ni Moroni ay salakayin sila at lipulin sila.

Anupa’t inilagay ni Morianton sa kanilang mga puso na nararapat silang tumakas patungo sa lupain na nasa kahilagaan, na napalilibutan ng malalaking katawan ng tubig, at angkinin ang lupain na nasa kahilagaan.

Alma 50:30

Habang si Morianton ay naghahanda para sa pagkubkob na ito, siya ay nagalit sa isa sa kanyang mga babaing tagapagsilbi, at marahas na binugbog siya.

At masdan, natupad na sana nila ang plano na ito, (na magiging dahilan ng panaghuyan) subalit masdan, dahil si Morianton ay isang lalaking maraming kahalingan, kaya nga, siya ay nagalit sa isa sa kanyang mga babaing tagapagsilbi, at kanyang sinaktan siya at labis siyang binugbog.

Alma 50:31

Ang babaing tagapagsilbi ni Morianton ay nakatakas mula sa lupain ng Morianton, natagpuan ang kuta ni Moroni, at sinabi kay Moroni ang lahat tungkol sa hangarin ni Morianton na tumakas patungo sa lupaing kahilagaan.

At ito ay nangyari na, na siya ay tumakas, at nagtungo sa kuta ni Moroni, at sinabi kay Moroni ang lahat hinggil sa bagay na ito, at hinggil din sa kanilang mga hangaring tumakas patungo sa lupaing kahilagaan.

Alma 50:32–33

Nangangamba sa mga kahihinatnan ng mga pinaplanong gawin ni Morianton, si Moroni ay nagpadala ng mga pangkat upang pigilan ang hukbo ni Morianton.

Ngayon masdan, ang mga tao na nasa lupaing Masagana, o kaya’y si Moroni, ay natakot na baka sila ay makinig sa mga salita ni Morianton at sumama sa kanyang mga tao, at sa gayon makukuha niya ang pag-aari ng mga bahaging yaon ng lupain, na maglalatag ng saligan ng malulubhang kahihinatnan sa mga tao ni Nephi, oo, mga kahihinatnang magbubunga ng pagbagsak ng kanilang kalayaan. Kaya nga, si Moroni ay nagpadala ng isang hukbo, kasama ang kanilang kuta, upang hadlangan ang mga tao ni Morianton, upang mapigilan ang kanilang pagtakas patungo sa lupaing kahilagaan.

Alma 50:34–35

Isang lalaki na nagngangalang Tiankum ang namuno sa pangkat ni Moroni at pinigilan ang hukbo ni Morianton sa isang daanan na patungo sa lupaing kahilagaan kung saan isang kakila-kilabot na labanan ang sumunod, na kung saan napatay ni Tiankum si Morianton, at ang mga nakaligtas sa hukbo ni Morianton ay dinalang mga bihag ng digmaan.

At ito ay nangyari na, na hindi nila sila nahadlangan hanggang sa sila ay makarating sa mga hangganan ng lupaing Kapanglawan; at doon nila sila nahadlangan, sa makitid na daanang nagtutuloy sa tabi ng dagat patungo sa lupaing kahilagaan, oo, sa tabing dagat, sa kanluran at sa silangan.

At ito ay nangyari na, na ang hukbong ipinadala ni Moroni, na pinamumunuan ng isang lalaki na nagngangalang Tiankum, ay humarap sa mga tao ni Morianton; at labis na matitigas ang mga tao ni Morianton, (dahil sa nahikayat ng kanyang kasamaan at ng kanyang mahihibok na salita) kaya nga nagsimula ang isang digmaan sa pagitan nila, kung saan ay napatay ni Tiankum si Morianton at tinalo ang kanyang hukbo, at dinala silang mga bihag, at bumalik sa kuta ni Moroni.

Alma 50:35–36

Ang mga bihag mula kay Morianton ay dinalang pabalik sa kanilang lupain at sila ay nakipagkasundo sa mga tao sa lupain ng Lehi.

At sa gayon nagtapos ang ikadalawampu at apat na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi. At sa gayon naibalik ang mga tao ni Morianton. At sa kanilang pakikipagtipan na pananatilihin ang kapayapaan sila ay pinabalik sa lupain ng Morianton, at isang kasunduan ang namagitan sa kanila at sa mga tao ng Lehi; at sila ay pinabalik din sa kanilang mga lupain.