Ngayon, nang matanto ng mga yaong taong nagnanais na siya ang kanilang maging gobernador na siya ay hinatulan ng kamatayan, samakatwid sila ay nagalit, at masdan, sila ay nagpasugo ng isang Kiskumen, maging sa hukumang-luklukan ni Pahoran, at pinaslang si Pahoran habang siya ay nakaupo sa hukumang-luklukan. At siya ay tinugis ng mga tagapagsilbi ni Pahoran; subalit masdan, napakabilis ng pagtakas ni Kiskumen na walang sinuman ang nakahabol sa kanya.
At siya ay nagtungo sa mga yaong nagsugo sa kanya, at silang lahat ay nakipagtipan, oo, nangangako sa kanilang walang hanggang Lumikha, na hindi nila sasabihin sa kanino man na pinaslang ni Kiskumen si Pahoran. Anupa’t si Kiskumen ay hindi nakilala sa mga tao ni Nephi, sapagkat siya’y nakabalatkayo sa panahong pinaslang niya si Pahoran. At si Kiskumen at ang kanyang pangkat, na nakipagtipan sa kanya, ay inihalubilo ang kanilang sarili sa mga tao, sa kaparaanang silang lahat ay hindi matutuklasan; subalit kasindami ng natuklasan ay hinatulan ng kamatayan.
At ngayon masdan, si Pacumeni ay hinirang, alinsunod sa tinig ng mga tao, na maging punong hukom at gobernador sa mga tao, upang manungkulang kahalili ng kanyang kapatid na si Pahoran; at ito ay alinsunod sa kanyang karapatan. At ang lahat ng ito ay naganap sa ikaapatnapung taon ng panunungkulan ng mga hukom; at ito ay nagtapos.