Subalit masdan, ang aming hukbo ay maliit upang mapangalagaan ang napakaraming lunsod at napakalaking pag-aari. Subalit masdan, kami ay nagtitiwala sa aming Diyos na siyang nagbigay sa amin ng tagumpay sa mga lupaing yaon, kaya nga’t nakuha namin ang mga lunsod na yaon at mga lupaing yaon, na pag-aari natin.
Ngayon hindi namin nalalaman ang dahilan ng hindi pagpapadala ng pamahalaan sa amin ng karagdagang lakas; ni hindi rin nalalaman ng mga tauhang yaon na ipinadala sa amin kung bakit hindi kami nakatanggap ng karagdagang lakas. Masdan, hindi namin nalalaman kung nabigo kayo, at kinailangan ninyo ng mga hukbo sa dakong iyan ng lupain; kung nagkagayon, hindi namin nais na dumaing.
At kung hindi gayon, masdan, kami ay nangangamba na baka may pagkakahati sa pamahalaan, kung kaya’t hindi sila nagpapadala ng karagdagang tauhan upang tulungan kami; sapagkat nalalaman naming higit na marami sila kaysa sa ipinadala nila. Subalit masdan, ito ay hindi na mahalaga—nagtitiwala kaming ililigtas kami ng Diyos, sa kabila ng kahinaan ng aming mga hukbo, oo, at ililigtas kami mula sa mga kamay ng ating mga kaaway.
Masdan, ito ang ikadalawampu at siyam na taon, sa ikahuling bahagi, at nasa pag-aari na namin ang ating mga lupain; at ang mga Lamanita ay nagsitakas patungo sa lupain ng Nephi. At ang mga anak ng mga yaong tao ni Ammon, na labis kong ipinagmamapuri, ay kasama ko sa lunsod ng Manti; at itinaguyod sila ng Panginoon, oo, at pinangalagaan sila upang hindi magsibagsak sa pamamagitan ng espada, kung kaya’t maging isang katao ay hindi napatay.
Subalit masdan, nakatanggap sila ng maraming sugat; gayon pa man sila ay hindi natinag sa kalayaang yaon kung saan sila ginawang malaya ng Diyos; at sila ay mahigpit sa pag-alaala sa Panginoon nilang Diyos sa araw-araw; oo, patuloy nilang sinusunod ang kanyang mga batas, at kanyang mga kahatulan, at kanyang mga kautusan; at malakas ang kanilang pananampalataya sa mga propesiya hinggil sa yaong darating.
At ngayon, mahal kong kapatid, Moroni, nawa ang Panginoon nating Diyos, na siyang tumubos at nagpalaya sa atin, ay patuloy kang pangalagaan sa kanyang harapan; oo, at nawa ay itaguyod niya ang mga taong ito, maging sa magtagumpay ka sa pananakop ng lahat ng yaong kinuha ng mga Lamanita mula sa atin, para sa ating panustos. At ngayon masdan, tinatapos ko ang aking liham. Ako si Helaman, ang anak ni Alma.
At ito ang mga salitang isinulat niya, sinasabing: Aking minamahal na kapatid, na Moroni, kapwa sa Panginoon at sa pagdurusa sa ating digmaan; masdan, mahal kong kapatid, ako ay may sasabihin sa iyo kahit paano hinggil sa aming pakikidigma sa dakong ito ng lupain.