...matapos na maisalin at pinapangyaring isulat ang mga talaan na nasa mga laminang ginto na natagpuan ng mga tao ni Limhi, na ibinigay sa kanya ng mga kamay ni Limhi; At kanyang ginawa ito dahil sa labis na pananabik ng kanyang mga tao; sapagkat ninanais nila nang hindi masusukat na malaman ang hinggil sa mga yaong taong nalipol.
At ngayon, kanyang isinalin ang mga ito sa pamamagitan ng dalawang batong yaon na nakakabit sa dalawang pinilipit na balantok. Ngayon, ang mga bagay na ito ay inihanda mula pa sa simula at ipinasa-pasa sa bawat sali’t salinlahi, para sa layuning maipaliwanag ang mga wika; At ang mga ito ay iningatan at pinangalagaan ng mga kamay ng Panginoon, upang kanyang maipaalam sa bawat nilikhang aangkin sa lupain ang mga kasamaan at mga karumal-dumal na gawain ng kanyang mga tao; At sinuman ang nagtataglay ng mga bagay na ito ay tinatawag na tagakita, alinsunod sa mga sinaunang panahon.
Ngayon, nang matapos ni Mosias ang pagsasalin ng mga talaang ito, masdan, nagbigay ito ng ulat ng mga taong nalipol, mula sa panahong sila ay nalipol pabalik sa pagtatayo ng malaking tore, sa panahong nilito ng Panginoon ang wika ng mga tao at sila ay ikinalat nang malawakan sa balat ng lupa, oo, at maging mula sa panahong yaon pabalik hanggang sa paglikha kay Adan.
...at ang mga ito ay ipinagbawal na makarating sa mga anak ng tao hanggang sa matapos siyang ipako sa krus; at sa dahilang ito itinago ang mga ito ni haring Mosias, upang hindi ito makarating sa sanlibutan hanggang sa matapos ipakita ni Cristo ang kanyang sarili sa kanyang mga tao.
Ngayon, ang ulat na ito ay naging dahilan upang magdalamhati ang mga tao ni Mosias nang labis, oo, napuspos sila ng kalungkutan; gayon pa man nakapagbigay ito sa kanila ng maraming kaalaman, na kung saan sila ay nagalak. At ang ulat na ito ay isusulat pagkaraan nito; sapagkat masdan, kapaki-pakinabang na malaman ng lahat ng tao ang mga bagay na nasusulat sa ulat na ito.
Samakatwid kinuha niya ang mga talaang nauukit sa mga laminang tanso, at gayon din ang mga lamina ni Nephi, at lahat ng bagay na kanyang iningatan at pinangalagaan alinsunod sa mga kautusan ng Diyos,
At ngayon, tulad ng nasabi ko na sa inyo, na matapos gawin ni haring Mosias ang mga bagay na ito, kanyang kinuha ang mga laminang tanso, at lahat ng bagay na kanyang iningatan, at iginawad ang mga ito kay Alma, na anak ni Alma; oo, lahat ng talaan, at gayon din ang mga pansalin, at iginawad ang mga ito sa kanya, at inutusan siya na nararapat niyang ingatan at pangalagaan ang mga ito, at mag-ingat din ng isang talaan ng mga tao, na ipasa-pasa ang mga ito sa bawat sali’t salinlahi, maging tulad ng pagpapasa-pasa ng mga ito mula sa panahong nilisan ni Lehi ang Jerusalem.