Ngayon, ang reyna na nakarinig sa katanyagan ni Ammon, kaya nga siya ay nagpasabi at nagnais na magtungo siya sa kanya. At ito ay nangyari na, na ginawa ni Ammon ang ipinag-utos sa kanya, at nagtungo sa reyna, at nagnais na malaman kung ano ang nais niyang ipagawa sa kanya.
At sinabi niya sa kanya:
Ipinaalam sa akin ng mga tagapagsilbi ng aking asawa na ikaw ay isang propeta ng banal na Diyos, at na mayroon kang kapangyarihang gumawa ng maraming dakilang gawain sa kanyang pangalan;
Anupa’t kung ito ang pagbabatayan, nais kong pumasok ka at tingnan ang aking asawa, sapagkat nakahiga siya sa kanyang higaan sa loob na ng dalawang araw at dalawang gabi; at ang ilan ay nagsabing hindi pa siya patay, subalit sinasabi naman ng iba na patay na siya at namamaho na, at nararapat na siyang ilagay sa libingan; subalit sa ganang akin, hindi siya namamaho.
Ngayon, ito ang naisin ni Ammon, sapagkat alam niyang si haring Lamoni ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos; alam niyang ang madilim na tabing ng kawalang-paniniwala ay iwinawaksi mula sa kanyang isipan, at ang liwanag na umilaw sa kanyang isipan, na liwanag ng kaluwalhatian ng Diyos, na isang kagila-gilalas na liwanag ng kanyang kabutihan—
Oo, ang liwanag na ito ang nagbigay ng kagalakan sa kanyang kaluluwa, sa pagkakapalis ng ulap ng kadiliman, at ang liwanag ng buhay na walang hanggan ay nagningas sa kanyang kaluluwa, oo, alam niyang nadaig nito ang kanyang likas na pangangatawan, at tinangay siya sa Diyos—
Anupa’t kung ano ang hiniling ng reyna sa kanya ay tangi niyang naisin. Kaya nga, siya ay pumasok upang tingnan ang hari alinsunod sa hiniling sa kanya ng reyna; at nakita niya ang hari, at alam niyang hindi siya patay.
At sinabi niya sa reyna:
Hindi siya patay, kundi siya ay natutulog sa Diyos,
at kinabukasan siya ay muling magbabangon.kaya nga, siya ay huwag ilibing.
At sinabi ni Ammon sa kanya:
Naniniwala ka ba rito?
At sinabi niya sa kanya:
Wala akong katibayan maliban sa iyong salita, at ang salita ng aming mga tagapagsilbi; gayon pa man, naniniwala akong mangyayari ang alinsunod sa iyong sinabi.
At sinabi ni Ammon sa kanya:
Pinagpala ka dahil sa iyong labis na pananampalataya; sinasabi ko sa iyo, babae, na walang gayong kalaking pananampalataya sa lahat ng tao ng mga Nephita.