At ito ay nangyari na, na si haring Lamoni ay nag-utos sa kanyang mga tagapagsilbi na tumindig at magpatotoo sa lahat ng bagay na kanilang nakita hinggil sa bagay na yaon. At nang magpatotoo silang lahat sa mga bagay na nakita nila, at nalaman niya ang katapatan ni Ammon sa pangangalaga sa kanyang mga kawan, at gayon din ang tungkol sa kanyang kahanga-hangang lakas sa pakikipaglaban sa mga yaong naghangad na patayin siya, na labis siyang nanggilalas, at nagsabi:
Tunay, ito ay higit pa sa isang tao.
masdan, hindi ba ito ang Dakilang Espiritu na siyang nagpapadala ng gayong mabibigat na kaparusahan sa mga taong ito, dahil sa kanilang mga pagpaslang?
Ngayon, ito ang kaugalian ni Lamoni, na natanggap niya mula sa kanyang ama, na may Dakilang Espiritu. Sa kabila nang naniniwala sila sa Dakilang Espiritu, inakala nilang ano man ang kanilang gawin ay tama; gayon pa man, si Lamoni ay nagsimulang labis na matakot, natakot na baka nakagawa siya ng mali sa pagpapapatay sa kanyang mga tagapagsilbi;
At tinugon nila ang hari, at nagsabi:
Kung siya man ang Dakilang Espiritu o isang tao, ay hindi namin nalalaman; subalit ito lamang ang nalalaman namin, na hindi siya mapapatay ng mga kaaway ng hari; ni ang magawa nilang ikalat ang mga kawan ng hari kapag kasama namin siya, dahil sa kanyang kasanayan at kahanga-hangang lakas; kaya nga, nalalaman namin na siya ay kaibigan ng hari. At ngayon, O hari, hindi kami naniniwala na ang isang tao ay may gayong kahanga-hangang lakas, sapagkat nalalaman naming hindi siya maaaring mapatay.
At ngayon, nang marinig ng hari ang mga salitang ito, sinabi niya sa kanila:
Ngayon nalalaman ko na ito ang Dakilang Espiritu; at siya ay bumaba sa panahong ito upang pangalagaan ang inyong mga buhay, upang hindi ko kayo ipapatay na tulad sa inyong mga kapatid. Ngayon, ito ang Dakilang Espiritu na siyang sinabi ng ating mga ama.
At ito ay nangyari na, na si haring Lamoni ay nagtanong sa kanyang mga tagapagsilbi, sinasabing:
Nasaan ang lalaking ito na may kahanga-hangang lakas?
At sinabi nila sa kanya:
Masdan, pinakakain niya ang inyong mga kabayo. Ngayon inutusan ng hari ang kanyang mga tagapagsilbi bago pa sa panahon ng pagpapainom ng kanilang mga kawan, na nararapat ihanda nila ang kanyang mga kabayo at karuwahe, at ihatid siya sa lupain ng Nephi; sapagkat may malaking piging na itinakda ang ama ni Lamoni sa lupain ng Nephi, na siyang hari ng buong lupain.
Ngayon, nang marinig ni haring Lamoni na inihahanda ni Ammon ang kanyang mga kabayo at karuwahe siya ay lalong nanggilalas, dahil sa katapatan ni Ammon, sinasabing:
Tunay na walang sino mang tagapagsilbi sa lahat ng tagapagsilbi ko ang naging napakatapat na tulad ng taong ito; sapagkat naaalaala niya maging ang lahat ng aking mga utos upang isagawa ang mga ito.
Ngayon tunay na nalalaman ko na ito ang Dakilang Espiritu, at nais kong siya ay magtungo sa akin, subalit hindi ako magtatangka.