At ito ay nangyari na, na ako, si Mormon, ay lubusan nang tumanggi simula noon na maging komandante at isang pinuno ng mga taong ito, dahil sa kanilang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain. Masdan, sila ay pinamunuan ko, sa kabila ng kanilang kasamaan sila ay pinamunuan ko nang maraming ulit sa pakikidigma, at minahal sila, alinsunod sa pagmamahal ng Diyos na nasa akin, nang buong puso ko; at ang aking kaluluwa ay ibinuhos sa panalangin sa aking Diyos nang buong magdamag para sa kanila; gayon pa man, ito’y walang pananampalataya, dahil sa katigasan ng kanilang mga puso. At tatlong ulit ko silang iniligtas mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway, at hindi sila nagsipagsisi ng kanilang mga kasalanan.
At nang sila ay makapanumpa ng lahat ng ipinagbabawal sa kanila ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, na sila ay aahon upang makidigma sa kanilang mga kaaway, at ipaghihiganti ang kanilang sarili sa dugo ng kanilang mga kapatid, masdan ang tinig ng Panginoon ay nangusap sa akin, sinasabing:
Sa akin ang paghihiganti, at ako ang gaganti;
at sapagkat hindi nagsisi ang mga taong ito
matapos ko silang iligtas, masdan,
sila’y malilipol mula sa balat ng lupa.
At ito ay nangyari na, na ako ay lubusan nang tumangging humayo laban sa aking mga kaaway; at ginawa ko maging ang ipinag-utos sa akin ng Panginoon; at ako ay tumindig bilang isang piping saksi upang patunayan sa sanlibutan ang mga bagay na aking nakita at narinig, alinsunod sa pagpapatunay ng Espiritu na siyang nagpatotoo sa mga bagay na darating.
At ngayon ito ay nangyari na, na sa ikatatlong daan at animnapu at tatlong taon, ang hukbo ng mga Nephita ay umahon upang makidigma sa mga Lamanita, sa labas ng lupain ng Kapanglawan. At ito ay nangyari na, na ang hukbo ng mga Nephita ay muling naitaboy pabalik sa lupain ng Kapanglawan. At habang sila ay pagod pa, isang bagong hukbo ng mga Lamanita ang sumalakay sa kanila; at nagkaroon sila ng masidhing labanan, kung kaya nga’t nasakop ng mga Lamanita ang lunsod ng Kapanglawan, at napatay ang marami sa mga Nephita, at marami ang mga nadalang bihag. At ang mga nalabi ay tumakas at sumama sa mga nananahanan sa lunsod ng Tiankum. Ngayon, ang lunsod ng Tiankum ay nasa mga hangganan sa may dalampasigan; at iyon ay malapit din sa lunsod ng Kapanglawan.
At dahil ang mga hukbo ng mga Nephita ang humayo sa mga Lamanita kung kaya’t sila ay nagsimulang parusahan; sapagkat kung hindi dahil doon, hindi sana magkakaroon ng kapangyarihan ang mga Lamanita sa kanila. Ngunit masdan, ang mga kahatulan ng Diyos ay aabot sa masasama; at sa pamamagitan ng masasama na ang masasama ay pinarurusahan; sapagkat yaong masasama ang pumupukaw sa mga puso ng mga anak ng tao sa pagpapadanak ng dugo.