At ito ay nangyari na, na ako, si Mormon, ay lubusan nang tumanggi simula noon na maging komandante at isang pinuno ng mga taong ito, dahil sa kanilang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain. Masdan, sila ay pinamunuan ko, sa kabila ng kanilang kasamaan sila ay pinamunuan ko nang maraming ulit sa pakikidigma, at minahal sila, alinsunod sa pagmamahal ng Diyos na nasa akin, nang buong puso ko; at ang aking kaluluwa ay ibinuhos sa panalangin sa aking Diyos nang buong magdamag para sa kanila; gayon pa man, ito’y walang pananampalataya, dahil sa katigasan ng kanilang mga puso. At tatlong ulit ko silang iniligtas mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway, at hindi sila nagsipagsisi ng kanilang mga kasalanan.