At ito ay nangyari na, na ang ikatatlumpu at apat na taon ay lumipas, at gayon din ang ikatatlumpu at lima, at masdan, ang mga disipulo ni Jesus ay nagtatag ng simbahan ni Cristo sa lahat ng lupain sa paligid. At kasindami ng lumapit sa kanila, at tunay na nagsisi ng kanilang mga kasalanan, ay bininyagan sa pangalan ni Jesus; at sila rin ay tumanggap ng Espiritu Santo.
At ito ay nangyari na, na sa ikatatlumpu at anim na taon, ang mga tao ay nagbalik-loob na lahat sa Panginoon, sa ibabaw ng buong lupain, kapwa ang mga Nephita at Lamanita, at hindi nagkaroon ng mga alitan at pagtatalu-talo sa kanila, at bawat tao ay makatarungan ang pakikitungo sa isa’t isa.
At nagkaroon ng pagkakapantay-pantay sa lahat ng bagay sa kanila; kaya nga walang mayaman at mahirap, alipin at malaya, kundi silang lahat ay ginawang malaya, at magkasalo sa makalangit na handog.
At ito ay nangyari na, na lumipas din ang ikatatlumpu at pitong taon, at nagpatuloy pa rin ang kapayapaan sa lupain. At may dakila at mga kagila-gilalas na gawaing ginawa ang mga disipulo ni Jesus, na sila ay nagpagaling ng maykaramdaman, at nagpabangon ng patay, at pinapangyari na ang pilay ay makalakad, ang bulag na makakita, at ang bingi na makarinig; at lahat ng uri ng himala ay ginawa nila sa mga anak ng tao; at wala silang nagawang mga himala maliban kung yaon ay sa pangalan ni Jesus.
At sa gayon lumipas ang ikatatlumpu at walong taon, at gayon din ang ikatatlumpu at siyam, at ikaapatnapu at isa, at ikaapatnapu at dalawa, oo, maging hanggang sa ang ikaapatnapu at siyam na taon ay lumipas, at gayon din ang ikalimampu at isa, at ang ikalimampu at dalawa; oo, at maging hanggang sa ang ikalimampu at siyam na taon ay lumipas.
At lubos silang pinaunlad ng Panginoon sa lupain; oo, hanggang sa muli silang nakapagtayo ng mga lunsod kung saan may mga lunsod na nasunog. Oo, maging ang dakilang lunsod ng Zarahemla ay pinapangyari nilang maitayong muli. Ngunit maraming lunsod ang lumubog, at mga tubig ang pumalit sa mga lugar niyon; kaya nga, ang mga lunsod na ito ay hindi na mapapanumbalik.
At ngayon, masdan, ito ay nangyari na, na ang mga tao ni Nephi ay naging makapangyarihan, at napakabilis na dumami, at naging labis na kaakit-akit at mga kaaya-ayang tao.
At sila ay nag-asawa, at ibinigay sa pag-aasawa, at pinagpala alinsunod sa maraming pangakong ginawa ng Panginoon sa kanila.
At hindi na sila lumakad pa sa pagsunod sa mga pagganap at ordenansa ng mga batas ni Moises; kundi sila ay lumakad alinsunod sa mga kautusang natanggap nila mula sa kanilang Panginoon at kanilang Diyos, nagpapatuloy sa pag-aayuno at panalangin, at sa madalas na pagtitipong magkakasama kapwa upang manalangin at makinig sa salita ng Panginoon.
At ito ay nangyari na, na hindi nagkaroon ng alitan sa lahat ng tao, sa buong lupain; kundi may mga makapangyarihang himalang ginawa sa mga disipulo ni Jesus.
At ito ay nangyari na, na ang ikapitumpu at isang taon ay lumipas, at gayon din ang ikapitumpu at dalawang taon, oo, sa madaling salita, hanggang sa ang ikapitumpu at siyam na taon ay lumipas; oo, maging ang isandaang taon ay lumipas, at ang mga disipulo ni Jesus, na kanyang pinili, ay pumaroon nang lahat sa paraiso ng Diyos, maliban sa tatlong maiiwan; at may mga ibang disipulo na inordenang kahalili nila; at marami rin sa salinlahing yaon ang pumanaw.
At ito ay nangyari na, na hindi nagkaroon ng alitan sa lupain, dahil sa pag-ibig sa Diyos na nananahan sa mga puso ng tao. At walang mga inggitan, ni sigalutan, ni alitan, ni pagpapatutot, ni pagsisinungaling, ni pagpaslang, ni anumang uri ng kahalayan; at tunay na wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos. Walang mga tulisan, ni mamamatay-tao, ni nagkaroon ng mga Lamanita, ni anumang uri ng mga “ita”; kundi sila ay iisa, ang mga anak ni Cristo, at mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos.
O labis silang pinagpala! Sapagkat pinagpala sila ng Panginoon sa lahat ng kanilang mga gawain; oo, maging sila ay pinagpala at pinaunlad hanggang sa ang isandaan at sampung taon ay nakalipas; at ang unang salinlahi mula kay Cristo ay pumanaw, at hindi nagkaroon ng alitan sa buong lupain.
At ito ay nangyari na, na si Nephi, siya na nag-ingat nitong huling talaan, (at kanyang itinala ito sa mga lamina ni Nephi) ay namatay, at, ang kanyang anak na si Amos ang humaliling nag-ingat nito; at itinala niya iyon sa mga lamina rin ni Nephi. At iningatan niya ito nang walumpu at apat na taon, at mayroon pang kapayapaan sa lupain, maliban sa isang maliit na bahagi ng mga tao na naghimagsik sa simbahan at dinala nila sa sarili ang pangalang Lamanita; anupa’t muling nagkaroon ng mga Lamanita sa lupain.
At ito ay nangyari na, na si Amos ay namatay na rin, (at ito ay isandaan at siyamnapu at apat na taon mula nang pumarito si Cristo) at ang kanyang anak na si Amos ang humaliling nag-ingat ng talaan; at itinala rin niya iyon sa mga lamina ni Nephi; at iyon ay naisulat din sa aklat ni Nephi, kung alin ay ang aklat na ito.