At ito ay nangyari na, na matapos lumipas ang ikasampung taong ito, na bumubuo ng tatlong daan at animnapung taon mula nang pumarito si Cristo, na ang hari ng mga Lamanita ay nagpadala sa akin ng isang liham, na ipinaaalam sa akin na sila ay naghahanda upang muling makidigma laban sa amin.
At ito ay nangyari na, na pinapangyari kong sama-samang tipunin ng aking mga tao ang kanilang sarili sa lupaing Kapanglawan, sa lunsod na nasa mga hangganan, sa may makitid na daan patungo sa lupaing patimog. At doon ay inilagay namin ang aming mga hukbo, upang mapigilan namin ang mga hukbo ng mga Lamanita, upang hindi nila maangkin ang alinman sa aming mga lupain; anupa’t nagpatibay kami laban sa kanila nang aming buong lakas.
At ito ay nangyari na, na sa ikatatlong daan at animnapu at isang taon ang mga Lamanita ay sumalakay sa lunsod ng Kapanglawan upang makidigma laban sa amin; at ito ay nangyari na, na sa taong yaon sila ay nagapi namin, kung kaya nga’t sila ay muling nagsibalik sa kanilang sariling mga lupain.
At sa ikatatlong daan at animnapu at dalawang taon sila ay muling sumalakay upang makidigma. At muli namin silang nagapi, at napatay ang malaking bilang nila, at ang kanilang mga patay ay itinapon sa dagat.
At ngayon, dahil sa malaking bagay na ito na nagawa ng aking mga tao, ang mga Nephita, sila ay nagsimulang magmalaki sa kanilang sariling lakas, at nagsimulang manumpa sa harapan ng kalangitan na ipaghihiganti nila ang kanilang sarili sa dugo ng kanilang mga kapatid na napatay ng kanilang mga kaaway. At sila ay nanumpa sa kalangitan, at gayon din sa trono ng Diyos, na sila ay aahon sa pakikidigma laban sa kanilang mga kaaway, at lilipulin sila mula sa ibabaw ng lupain.