At ngayon ito ay nangyari na, nang matanggap ni Laconeo ang liham na ito siya ay labis na nanggilalas, dahil sa kapangahasan ni Giddianhi sa paghingi ng pag-aari ng lupain ng mga Nephita, at sa pagbabanta rin sa mga tao at sa paghihiganti ng mga kaapihan ng mga yaong hindi naman dinulutan ng kaapihan, maliban sa inapi nila ang kanilang sarili sa pagtitiwalag patungo sa yaong masasama at mga karumal-dumal na tulisan.
Ngayon masdan, itong si Laconeo, ang gobernador, ay isang makatarungang lalaki, at hindi maaaring matakot ng mga kahilingan at ng mga pagbabanta ng isang tulisan; kaya nga hindi niya binigyang-pansin ang liham ni Giddianhi, na gobernador ng mga tulisan, kundi kanyang pinapangyari na ang kanyang mga tao ay magsumamo sa Panginoon upang humingi ng lakas sa paghahanda sa panahon ng pagsalakay ng mga tulisan laban sa kanila.