At ito ay nangyari na, na ang mga tao ay nanatili pa rin sa kasamaan, sa kabila ng labis na pangangaral at pagpopropesiyang ipinalaganap sa kanila; at sa gayon din lumipas ang ikasampung taon; at lumipas din ang ikalabing-isang taon sa kasamaan. At ito ay nangyari na, na sa ikalabingtatlong taon ay nagsimulang magkaroon ng mga digmaan at alitan sa lahat ng dako ng buong lupain; sapagkat naging napakarami ng mga tulisan ni Gadianton, at pumatay ng napakarami sa mga tao, at winasak ang napakaraming lunsod, at nagpalaganap ng labis na kamatayan at pagkatay sa buong lupain, kung kaya’t kinailangan na ang lahat ng tao, kapwa mga Nephita at Lamanita, ay humawak ng mga sandata laban sa kanila.
Kaya nga, lahat ng Lamanita na nagbalik-loob sa Panginoon ay nakiisa sa kanilang mga kapatid, ang mga Nephita, at napilitan, para sa kaligtasan ng kanilang mga buhay at kanilang kababaihan at kanilang mga anak, na humawak ng mga sandata laban sa mga yaong tulisan ni Gadianton, oo, at upang mapangalagaan din ang kanilang mga karapatan, at mga pribilehiyo ng kanilang simbahan at ng kanilang pagsamba, at kanilang kalayaan.
At ito ay nangyari na, na bago lumipas ang ikalabingtatlong taong ito, ang mga Nephita ay nanganib na ganap na malipol dahil sa digmaang ito, na naging napakasidhi. At ito ay nangyari na, na yaong mga Lamanita na nakiisa sa mga Nephita ay napabilang sa mga Nephita; At ang sumpa sa kanila ay inalis mula sa kanila, at ang kanilang mga balat ay naging mapuputi na katulad ng mga Nephita;
At ang kanilang mga kabataang lalaki at babae ay naging napakakaaya-aya, at napabilang sila sa mga Nephita, at tinawag na mga Nephita. At sa gayon nagtapos ang ikalabingtatlong taon.
At ito ay nangyari na, na sa pagsisimula ng ikalabing-apat na taon, ang digmaan sa pagitan ng mga tulisan at ng mga tao ni Nephi ay nagpatuloy at naging napakasidhi; gayon pa man, ang mga tao ni Nephi ay nagtamo ng kaunting kalamangan sa mga tulisan, hanggang sa kanilang naitaboy sila palabas ng kanilang mga lupain patungo sa mga bundok at patungo sa kanilang mga lihim na lugar.
At sa gayon nagtapos ang ikalabing-apat na taon. At sa ikalabinglimang taon sila ay sumalakay laban sa mga tao ni Nephi; at dahil sa kasamaan ng mga tao ni Nephi, at sa marami nilang alitan at mga pagtatalu-talo, ang mga tulisan ni Gadianton ay nagtamo ng malaking kalamangan sa kanila. At sa gayon nagtapos ang ikalabinglimang taon, at sa gayon ang mga tao ay nasa kalagayan ng maraming paghihirap; at ang espada ng pagkalipol ay nakaumang sa ulunan nila, kung kaya nga’t sila ay babagabagin na sana nito, at ito ay dahil sa kanilang kasamaan.
At ngayon ito ay nangyari na, na sa ikalabing-anim na taon mula sa pagparito ni Cristo, si Laconeo, ang gobernador ng lupain, ay nakatanggap ng liham mula sa pinuno at gobernador ng pangkat ng mga tulisang ito; at ito ang mga salitang nakasulat, sinasabing:
At ngayon ito ay nangyari na, nang matanggap ni Laconeo ang liham na ito siya ay labis na nanggilalas, dahil sa kapangahasan ni Giddianhi sa paghingi ng pag-aari ng lupain ng mga Nephita, at sa pagbabanta rin sa mga tao at sa paghihiganti ng mga kaapihan ng mga yaong hindi naman dinulutan ng kaapihan, maliban sa inapi nila ang kanilang sarili sa pagtitiwalag patungo sa yaong masasama at mga karumal-dumal na tulisan.
Ngayon masdan, itong si Laconeo, ang gobernador, ay isang makatarungang lalaki, at hindi maaaring matakot ng mga kahilingan at ng mga pagbabanta ng isang tulisan; kaya nga hindi niya binigyang-pansin ang liham ni Giddianhi, na gobernador ng mga tulisan, kundi kanyang pinapangyari na ang kanyang mga tao ay magsumamo sa Panginoon upang humingi ng lakas sa paghahanda sa panahon ng pagsalakay ng mga tulisan laban sa kanila.
Oo, nagpadala siya ng pahayag sa lahat ng tao, na magkakasamang tipunin nila ang lahat ng kanilang kababaihan, at kanilang mga anak, ang kanilang mga kawan ng tupa at kanilang mga baka, at lahat ng kanilang ari-arian, maliban sa kanilang lupain, sa isang lugar. At iniutos niya na magtayo ng mga muog sa paligid nila, at na ang tibay niyon ay maging labis-labis. At iniutos niya na ang mga hukbo, kapwa ng mga Nephita at ng mga Lamanita, o ng lahat silang nabibilang sa mga Nephita, ay italagang mga bantay sa paligid upang bantayan sila, at ipagtanggol sila sa mga tulisan sa araw at gabi. Oo, sinabi niya sa kanila:
Yamang ang Panginoon ay buhay, maliban kung kayo ay magsisisi sa lahat ng inyong kasamaan, at magsusumamo sa Panginoon, hindi kayo sa anumang paraan maliligtas mula sa mga kamay ng mga yaong tulisan ni Gadianton.
At napakadakila at kagila-gilalas ang mga salita at propesiya ni Laconeo kung kaya’t kanyang napapangyaring mangibabaw ang takot sa lahat ng tao; at nagsikap sila sa kanilang sarili sa kanilang lakas na gawin ang naaayon sa mga salita ni Laconeo.
At ito ay nangyari na, na si Laconeo ay naghirang ng mga punong kapitan sa lahat ng hukbo ng mga Nephita, upang pamunuan sila sa panahon ng pagsalakay ng mga tulisan mula sa ilang laban sa kanila. Ngayon, ang pinakapuno sa lahat ng punong kapitan at ang dakilang pinuno ng lahat ng hukbo ng mga Nephita ay hinirang, at ang kanyang pangalan ay Gidgiddoni.
Ngayon, kaugalian sa lahat ng Nephita na maghirang ng mga magiging punong kapitan nila, (maliban kung ito ay sa panahon ng kanilang kasamaan) ng sinumang nagtataglay ng diwa ng paghahayag at gayon din ng propesiya; anupa’t ang Gidgiddoni na ito ay dakilang propeta sa kanila, katulad din ng yaong punong hukom.
Ngayon sinabi ng mga tao kay Gidgiddoni:
Manalangin ka sa Panginoon, at aahon tayo sa mga bundok at sa ilang, upang masalakay natin ang mga tulisan at malipol sila sa kanilang sariling mga lupain.
Subalit sinabi ni Gidgiddoni sa kanila:
Ipinagbabawal ng Panginoon; sapagkat kung aahon tayo sa kanila ay ibibigay tayo ng Panginoon sa kanilang mga kamay; kaya nga ihahanda natin ang ating sarili sa gitna ng ating mga lupain, at ikakalap natin ang lahat ng ating hukbo, at hindi tayo sasalakay laban sa kanila, kundi maghihintay tayo hanggang sa sila ay sumalakay laban sa atin; samakatwid yamang ang Panginoon ay buhay, kung ganito ang gagawin natin sila ay ibibigay niya sa ating mga kamay.