Ang Panahon ng Gadianton

Si Nephi at Lehi sa Kulungan

Helaman 5:20–22

Si Nephi at si Lehi ay naglakbay patungo sa lupain ng Nephi, kung saan ang mga militanteng Lamanita ay dinakip sila, binilanggo, at hinatulan ng upang mamatay.

At ito ay nangyari na, na sina Nephi at Lehi ay nagpatuloy mula roon patungo sa lupain ng Nephi. At ito ay nangyari na, na sila ay dinakip ng isang hukbo ng mga Lamanita at itinapon sa bilangguan; oo, maging sa yaon ding bilangguan kung saan si Ammon at ang kanyang mga kapatid ay itinapon ng mga tagapagsilbi ni Limhi. At matapos silang itapon sa bilangguan nang maraming araw na walang pagkain, masdan, sila ay nagtungo sa bilangguan upang kunin sila nang kanilang mapatay sila.

Helaman 5:23

Habang ang mga Lamanita ay dumating sa bilangguan upang bitayin si Nephi at si Lehi, isang haligi ng apoy at ningas ang pumalibot kay Nephi at Lehi.

At ito ay nangyari na, na sina Nephi at Lehi ay napaliligiran ng sa wari ay apoy, maging hanggang sa hindi sila nagtangkang saktan sila ng kanilang mga kamay sa takot na baka sila masunog. Gayon pa man, sina Nephi at Lehi ay hindi nasunog; at sa wari’y nakatindig sila sa gitna ng apoy at hindi nasusunog.

Helaman 5:24–25

Ang mga Lamanita ay lubos na natatakot na ituloy ang pagbitay.

At nang makita nilang napaliligiran sila ng isang haliging apoy, at hindi sila nasusunog nito, ay nagkaroon ng lakas ang kanilang mga puso. Sapagkat nakita nilang hindi nagtangkang saktan sila ng mga Lamanita ng kanilang mga kamay; ni ang magtangkang lumapit sila sa kanila, kundi nakatindig sa wari’y napipi sa pagkamangha.

Helaman 5:26

Si Nephi at si Lehi tinawag ang mga bantay mula sa apoy, sinasabing huwag silang matakot, ngunit maniwala sa Diyos.

At ito ay nangyari na, na sina Nephi at Lehi ay tumindig at nagsimulang magsalita sa kanila, sinasabing:

Huwag matakot, sapagkat masdan, ang Diyos ang siyang nagpakita sa inyo ng kagila-gilalas na bagay na ito, kung alin ay ipinakita sa inyo nang hindi ninyo saktan kami ng inyong mga kamay upang patayin kami.

Helaman 5:27–28

Ang lupa ay nagsimulang mayanig, at ang mga haligi ng bilangguan ay humaginit, subalit hindi bumagsak—isang abo ng kadiliman ang pumalibot sa bilangguan.

At masdan, nang sabihin nila ang mga salitang ito, ang lupa ay malakas na nayanig, at ang mga pader ng bilangguan ay nayanig na sa wari’y guguho ang mga ito sa lupa; subalit masdan, ang mga ito ay hindi bumagsak. At masdan, sila na mga nasa bilangguan ay mga Lamanita at Nephita na mga tumiwalag. At ito ay nangyari na, na sila ay nililiman ng ulap ng kadiliman, at isang kakila-kilabot at tahimik na pagkatakot ang nanaig sa kanila.

Helaman 5:29

Ang mga bantay ng bilangguan ay nakarinig ng tinig na nag-uutos sa kanila na magsisi at iwan si Nephi at Lehi na magisa.

At ito ay nangyari na, na may narinig na isang tinig na sa wari’y nasa ibabaw ng ulap ng kadiliman, sinasabing:

Magsisi kayo, magsisi kayo, at huwag nang hangarin pang
patayin ang aking mga tagapaglingkod na isinugo ko
sa inyo upang ihayag ang masayang balita.

Helaman 5:30–31

Ang tinig ay hindi madagundong ni malakas, subalit ito ay masidhi at direkta sa mga bantay.

At ito ay nangyari na, nang marinig nila ang tinig na ito, at namasdan, hindi ito tinig ng kulog, ni tunog man ng napakalakas na ingay, subalit masdan, ito ay tahimik na tinig nang ganap na kahinahunan, sa wari’y isang bulong, at ito ay tumagos maging sa buong kaluluwa— At sa kabila nang kahinahunan ng tinig, masdan, ang lupa ay nayanig nang malakas, at ang mga pader ng bilangguan ay muling nayanig, na sa wari’y guguho ito sa lupa; at masdan, ang ulap ng kadiliman, na lumilim sa kanila, ay hindi napalis—

Helaman 5:32

Ang tinig muli ay nagutos sa kanila na magsisi at hayaan si Nephi at si Lehi na makaalis.

At masdan, ang tinig ay muling narinig, sinasabing:

Magsisi kayo, magsisi kayo,
sapagkat ang kaharian ng Langit ay nalalapit na;
at huwag nang hangarin pang patayin ang aking mga tagapaglingkod.

At ito ay nangyari na, na ang lupa ay muling nayanig, at ang mga pader ay nayanig.

Helaman 5:33–34

Ang tinig ay nagpatuloy sa pagsasalita ng mga kagila-gilalas na mga bagay.

At sa pangatlong pagkakataon ay muling narinig ang tinig, at nangusap sa kanila ng mga kagila-gilalas na salita na hindi maaaring sabihin ng mga tao; at ang mga pader ay muling nayanig, at ang lupa ay nayanig na sa wari’y mahahati ito. At ito ay nangyari na, na ang mga Lamanita ay hindi makatakas dahil sa ulap ng kadiliman na lumililim sa kanila; oo, at hindi rin sila makakilos dahil sa takot na nanaig sa kanila.

Helaman 5:35–36, 39

Isang bantay na nagngangalang Aminadab, isang dating Nephita, nakikita ang mukha ni Nephi at Lehi sa abo ng kadiliman; sila ay nakatingin sa taas, na may kinakausap.

Ngayon, may isa sa kanila na isinilang na isang Nephita, na minsa’y kabilang sa simbahan ng Diyos subalit tumiwalag mula sa kanila. At ito ay nangyari na, na siya ay lumingon, at masdan, nakita niya sa gitna ng ulap ng kadiliman ang mga mukha nina Nephi at Lehi; at masdan, labis silang kumikinang, maging tulad ng mga mukha ng anghel. At namasdan niyang nakatingin ang kanilang mga mata sa langit; at sila ay nasa ayos na sa wari’y nakikipag-usap o itinataas ang kanilang mga tinig sa kung sinong nilikha na namamasdan nila.


Ngayon, ang pangalan ng lalaki ay Aminadab...

Helaman 5:37–38

Sinabihan ni Aminadab ang iba pang mga bantay—nakikita nilang lahat si Nephi at Lehi, at nagtataka kung sino ang kanilang kinakausap.

At ito ay nangyari na, na ang lalaking ito ay nagsabi sa maraming tao, na sila ay lumingon at tumingin. At masdan, may lakas na ibinigay sa kanila kung kaya’t sila ay nakalingon at nakatingin; at namasdan nila ang mga mukha nina Nephi at Lehi. At sinabi nila sa lalaki:

Masdan, ano ang ibig sabihin ng mga bagay na ito,
at kanino nakikipag-usap ang mga lalaking ito?

Helaman 5:39

Ipinaliwanag ni Aminadab na si Nephi at si Lehi ay nakikipagusap sa mga anghel ng Diyos.

...At sinabi ni Aminadab sa kanila:

Sila ay nakikipag-usap sa mga anghel ng Diyos.

Helaman 5:40

Ang mga bantay ay nagtanong kung paano nila mapapawi ang maitim na ulap.

At ito ay nangyari na, na sinabi ng mga Lamanita sa kanya:

Ano ang gagawin natin,
upang ang ulap ng kadilimang ito
ay maalis mula sa pagkakalilim sa atin?

Helaman 5:41

Sinabi ni Aminadab sa kanila na alalahanin ang mga turo ni Alma, Amulek, at Zisrom, at magsisi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo.

At sinabi ni Aminadab sa kanila:

Kayo ay kinakailangang magsisi, at magsumamo sa tinig,
maging hanggang sa kayo ay magkaroon ng pananampalataya kay Cristo,
na itinuro sa inyo
ni Alma, at ni Amulek, at ni Zisrom;
at kapag ginawa ninyo ang mga bagay na ito, ang ulap ng kadiliman
ay maaalis mula sa pagkakalilim sa inyo.

Helaman 5:42

Ang mga bantay ay nagsumamo sa Diyos, at ang ulap ay napawi.

At ito ay nangyari na, na sila ay nagsimulang lahat na magsumamo sa tinig niya na siyang yumanig sa lupa; oo, sila ay nagsumamo maging hanggang sa ang ulap ng kadiliman ay mapalis.

Helaman 5:43

Nang ang kadiliman ay napalis, nakikita nila na silang lahat ay napalilibutan ng haligi ng apoy.

At ito ay nangyari na, nang igala nila ang kanilang mga paningin sa paligid, at nakitang ang ulap ng kadiliman ay napalis na mula sa pagkakalilim sa kanila, masdan, nakita nila na napaliligiran sila, oo, bawat tao, ng haliging apoy.

Helaman 5:44

At si Nephi at Lehi ay nasa gitna ng haligi ng apoy, subalit hindi nasasaktan.

At sina Nephi at Lehi ay nasa gitna nila; oo, sila ay napaligiran; oo, sa wari sila ay nasa gitna ng nagniningas na apoy, gayon man sila ay hindi nasaktan nito, ni ang tupukin nito ang pader ng bilangguan; at sila ay napuspos ng yaong hindi maipaliwanag na kagalakan at puspos ng kaluwalhatian.

Helaman 5:45

Lahat ng mga naroroon ay nakaranas ng pagpuspos ng Espiritu.

At masdan, ang Banal na Espiritu ng Diyos ay nanaog mula sa langit, at pumasok sa kanilang mga puso, at sila ay napuspos na sa wari’y apoy, at sila ay nakapangusap ng mga kagila-gilalas na salita.

Helaman 5:46–47

Ang tinig ay bumalik, sa oras na ito ay pinupuri ang mga tao sa kanilang pananampalataya kay Cristo.

At ito ay nangyari na, na may tinig na nangusap sa kanila, oo, isang kaaya-ayang tinig, sa wari’y isang bulong, sinasabing:

Kapayapaan, kapayapaa’y sumainyo,
dahil sa inyong pananampalataya sa aking Pinakamamahal,
siya na mula pa sa pagkakatatag ng daigdig.

Helaman 5:48–49

Lahat sila ay lumingon sa taas, at nakita ang mga anghel na lumalabas mula sa langit, at inutusan silang humayo ng may katapatan.

At ngayon, nang marinig nila ito ay itinaas nila ang kanilang mga paningin na sa wari’y upang mamasdan kung saan nagmumula ang tinig; at masdan, nakita nilang bumukas ang kalangitan; at ang mga anghel ay nanaog sa langit at naglingkod sa kanila. At may humigit-kumulang sa tatlong daang katao ang nakakita at nakarinig sa mga bagay na ito; at sila ay pinagsabihang humayo at huwag manggilalas, ni ang mag-alinlangan sila.

Helaman 5:50–52

Ang mga napabalik-loob na mga bantay ay nagikot-ikot upang mangaral sa iba pang mga Lamanita, marami ang naniwala, nagsisi, at sumang-ayon na ibalik ang mga nasakop na mga lupain ng Nephita ay mamuhay sa kapayapaan.

At ito ay nangyari na, na sila ay humayo, at nangaral sa mga tao, inihahayag sa lahat ng dako sa paligid ang lahat ng bagay na narinig at nakita nila, hanggang sa ang higit na nakararaming bahagi ng mga Lamanita ay napaniwala nila, dahil sa dami ng katibayang natanggap nila.

At kasindami ng napaniwala ay nagbaba ng kanilang mga sandata ng digmaan, at gayon din ng kanilang kapootan at mga kaugalian ng kanilang mga ama. At ito ay nangyari na, na isinuko nila sa mga Nephita ang mga lupaing kanilang pag-aari.