At ito ay nangyari na, na si Nephi—na dinadalaw ng mga anghel at gayon din ng tinig ng Panginoon, kaya nga dahil sa nakakita ng mga anghel, at naging saksi, at may kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya na malaman niya ang hinggil sa ministeryo ni Cristo, at saksi rin sa kanilang mabilis na pagbalik mula sa kabutihan sa kanilang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain;
Samakatwid, dahil sa pagdadalamhati sanhi ng katigasan ng kanilang mga puso at pagkabulag ng kanilang mga pag-iisip—ay humayo sa kanila sa taon ding yaon, at nagsimulang magpatotoo, nang buong tapang, ng pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. At siya ay nangaral ng maraming bagay sa kanila; at lahat ng ito ay hindi maaaring isulat, at ang isang bahagi ng mga ito ay hindi makasasapat, kaya nga, ang mga ito ay hindi nasusulat sa aklat na ito. At si Nephi ay nangaral nang may kapangyarihan at dakilang karapatan.
At ito ay nangyari na, na sila ay nagalit sa kanya, maging dahil sa nakahihigit ang kanyang kapangyarihan kaysa sa kanila, sapagkat hindi maaaring hindi nila paniwalaan ang kanyang mga salita, sapagkat napakalaki ng kanyang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo na naglilingkod ang mga anghel sa kanya sa araw-araw. At sa pangalan ni Jesus siya ay nagpapalayas ng mga diyablo at masasamang espiritu; at maging ang kanyang kapatid na lalaki ay binuhay niya mula sa pagkamatay, matapos siyang pagbabatuhin at nagdanas ng kamatayan sa mga tao. At nakita ito ng mga tao, at nakasaksi rito, at nagalit sa kanya dahil sa kanyang kapangyarihan; at gumawa rin siya ng marami pang mga himala, sa paningin ng mga tao, sa pangalan ni Jesus.
At ito ay nangyari na, na lumipas ang ikatatlumpu at isang taon, at kakaunti lamang ang nagbalik-loob sa Panginoon; subalit kasindami ng nagbalik-loob ay tunay na ipinakita sa mga tao na sila ay dinalaw ng kapangyarihan at Espiritu ng Diyos, na na kay Jesucristo, kung kanino sila ay naniniwala. At kasindami ng may mga diyablong napalayas mula sa kanila, at napagaling mula sa kanilang mga karamdaman at kanilang mga sakit, ay tunay na nagpahayag sa mga tao na sila ay binunsuran ng Espiritu ng Diyos, at mga napagaling; at nagpakita rin sila ng mga palatandaan at gumawa ng ilang himala sa mga tao.
Sa gayon din lumipas ang ikatatlumpu at dalawang taon. At si Nephi ay nangaral sa mga tao sa pagsisimula ng ikatatlumpu at tatlong taon; at siya ay nangaral sa kanila ng pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan. Ngayon nais kong tandaan din ninyo, na walang sinumang nagsisi ang hindi nabinyagan sa tubig.
Anupa’t may mga inordenan si Nephi na mga lalaki sa ministeryong ito, upang ang lahat ng yaong lalapit sa kanila ay mabinyagan sa tubig, at ito ay bilang saksi at patotoo sa harapan ng Diyos, at sa mga tao, na sila ay nagsipagsisi at nakatanggap ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. At marami sa pagsisimula ng taong ito ang nabinyagan tungo sa pagsisisi; at sa gayon lumipas ang malaking bahagi ng taon.