Ang Panahon ng Gadianton

Mga Palatandaan ay Natupad

3 Nephi 1:10–14

Si Nephi na lubos na nagaalala, ay nanalangin ng buong lakas—sinagot siya ni Jesus, sinasabi sa kanya na siya ay isisilang sa susunod na araw.

Ngayon ito ay nangyari na, nang makita ni Nephi, na anak ni Nephi, ang ganitong kasamaan ng kanyang mga tao, ang kanyang puso ay labis na nalungkot. At ito ay nangyari na, na siya ay lumabas at iniyukod ang sarili sa lupa, at nagsumamo nang buong taimtim sa kanyang Diyos para sa kapakanan ng kanyang mga tao, oo, yaong maaaring mapahamak dahil sa kanilang pananampalataya sa kaugalian ng kanilang mga ama. At ito ay nangyari na, na siya ay nagsumamo nang buong taimtim sa Panginoon sa buong araw na yaon; at masdan, ang tinig ng Panginoon ay nangusap sa kanya, sinasabing:

Itaas mo ang iyong ulo at magalak; sapagkat masdan, dumating na ang panahon, at sa gabing ito ang palatandaan ay makikita, at kinabukasan, paparito ako sa daigdig, upang ipakita sa sanlibutan na tutuparin ko ang lahat ng aking pinapangyaring sabihin ng bibig ng aking mga banal na propeta.

Masdan, ako ay paparito sa sariling akin, upang tuparin ang lahat ng bagay na ipinaalam ko sa mga anak ng tao mula pa sa pagkakatatag ng daigdig, at upang gawin ang kalooban, kapwa ng Ama at ng Anak—ng Ama dahil sa akin, at ng Anak dahil sa aking laman. At masdan, dumating na ang panahon, at sa gabing ito ang palatandaan ay makikita.

3 Nephi 1:15–18

Sa gabing iyon, ang araw ay lumubog, subalit walang kadiliman; marami sa mga hindi naniniwala ang namangha, at nagsimulang maniwala.

At ito ay nangyari na, na ang mga salitang sinabi kay Nephi ay natupad, alinsunod sa pagkakasabi sa mga yaon; sapagkat masdan, sa paglubog ng araw ay hindi nagkaroon ng kadiliman; at ang mga tao ay nagsimulang manggilalas dahil sa hindi nagkaroon ng kadiliman nang sumapit ang gabi.

At marami sa hindi nagsipaniwala sa mga salita ng mga propeta, ang nangabuwal sa lupa at nagmistulang mga patay, sapagkat alam nila na ang malaking plano ng paglipol na kanilang inihanda para sa mga naniwala sa mga salita ng mga propeta ay nabigo; sapagkat ang palatandaang ibinigay ay dumating na.

At nagsimula nilang malaman na ang Anak ng Diyos hindi maglalaon ay magpapakita; oo, sa madaling salita, lahat ng tao sa balat ng buong lupa mula sa kanluran hanggang sa silangan, kapwa sa lupain sa hilaga at sa lupain sa timog, ay labis na nanggilalas na ikinabuwal nila sa lupa. Sapagkat alam nila na ang mga propeta ay nagpatotoo sa mga bagay na ito ng maraming taon, at na ang palatandaang ibinigay ay dumating na; at sila ay nagsimulang matakot dahil sa kanilang kasamaan at kanilang kawalang-paniniwala.

3 Nephi 1:19–21

Ang buong gabi ay lumipas nang walang kadiliman, at isang bagong bituin ang lumitaw, lahat ayon sa propesiya.

At ito ay nangyari na, na hindi nagkaroon ng kadiliman sa buong gabing yaon, kundi ito ay katulad ng liwanag ng katanghaliang-tapat. At ito ay nangyari na, na ang araw ay sumikat na muli sa umaga, alinsunod sa wastong kaayusan nito; at alam nila na ito ang araw na ang Panginoon ay isisilang, dahil sa palatandaang ibinigay. At ito ay nangyari na nga, oo, lahat ng bagay, bawat kaliit-liitang bagay, alinsunod sa mga salita ng mga propeta. At ito rin ay nangyari na, na isang bagong bituin ang lumitaw, alinsunod sa salita.

3 Nephi 1:22–23

Gayunman, ang ilan ay hindi parin naniniwala, samantalang maraming iba pa ang nagbalik-loob at nabinyagan.

At ito ay nangyari na, na mula sa panahong ito, nagsimulang ipalaganap ang mga kasinungalingan sa mga tao, ni Satanas, upang patigasin ang kanilang mga puso, sa layuning huwag silang magsipaniwala sa mga yaong palatandaan at kababalaghang kanilang nakita; ngunit sa kabila ng mga pagsisinungaling at panlilinlang na ito higit na nakararaming bahagi ng mga tao ang naniwala, at nagbalik-loob sa Panginoon. At ito ay nangyari na, na si Nephi ay humayo sa mga tao, at gayundin ang marami pang iba, nagbibinyag tungo sa pagsisisi, na kung saan nagkaroon ng malaking pagpapatawad sa mga kasalanan. At sa gayon ang mga tao ay nagsimulang magkaroong muli ng kapayapaan sa lupain.

3 Nephi 1:24–26

Marami ay nagturo ng mali na ang mga batas ni Moises ay hindi na kinakailangan pang gawin, hindi nauunawaan na hindi pa ito naisasakatuparan.

At hindi nagkaroon ng mga pagtatalo, maliban sa ilan na nagsimulang mangaral, nagsisikap na patunayan sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan na hindi na kailangan pang sundin ang mga batas ni Moises. Ngayon sa bagay na ito sila ay nagkamali, sapagkat hindi nauunawaan ang mga banal na kasulatan. Ngunit ito ay nangyari na, na di naglaon sila ay nagbalik-loob, at napaniwala sa kamalian na kanilang kinasadlakan, sapagkat ipinaalam sa kanila na ang mga batas ay hindi pa natutupad, at na ito ay kinakailangang matupad sa bawat kaliit-liitang bagay; oo, ang salita ay ipinahayag sa kanila na ito ay kinakailangang matupad; oo, na ang isang tuldok o kudlit ay hindi lilipas hanggang sa ito ay matupad na lahat; anupa’t sa taon ding ito, sila ay nadala sa kaalaman ng kanilang kamalian at ipinagtapat ang kanilang mga pagkakamali. At sa gayon lumipas ang ikasiyamnapu at dalawang taon, nagdadala ng masasayang balita sa mga tao dahil sa mga palatandaang nangyari na, alinsunod sa mga salita ng propesiya ng lahat ng banal na propeta.