Ang Pagsipi ni Nephi sa Isaias

Ang Pagbagsak ng Babilonya

2 Nephi 24:4-6

Ang mga tao ay nagalak sa kanilang pagkakaligtas mula sa Babilonya.

At ito ay mangyayari na sa araw na yaon,
na gagamitin mo ang kasabihang ito
laban sa hari ng Babilonia, at sasabihin:

Paano natapos ang maniniil,
nawala ang ginintuang lunsod!

Binali ng Panginoon ang tungkod ng masasama,
ang setro ng mga pinuno.

Siya na humahampas sa mga tao nang walang tigil na paghataw,
siya na namahala sa mga bansa sa galit,
ay inusig,
at walang humadlang.

2 Nephi 24:7-11

Ang kapayapaan at kaligayahan ay natamasa.

Ang buong mundo ay namahinga,
at tahimik;
bigla silang nagsipag-awit.

Oo, nagalak ang mga puno ng sipres dahil sa iyo,
at gayon din ang mga sedro ng Libano, nagsasabing:
Mula nang ikaw ay mapahinga wala nang mamumutol na gumagalaw sa amin.

Ang impiyerno sa kailaliman ay nagsisikilos para sa iyo
upang salubungin ka sa iyong pagdating;
pinupukaw niya ang mga patay para sa iyo,
maging lahat ng pinuno sa mundo;
pinatitindig niya mula sa kanilang mga trono
ang lahat ng hari ng mga bansa.

Lahat sila ay magsasalita at sasabihin sa iyo:
Naging mahina ka rin bang tulad namin?
Naging katulad ka ba namin?

Bumaba ang iyong kahambugan sa libingan;
hindi narinig ang ingay ng iyong mga biola;
nangangalat ang mga uod sa ilalim mo,
at natatakpan ka ng mga uod.

2 Nephi 24:12-15

Ang Babilonya ay bumagsak tulad ng bituin ng umaga.

Paano ka nahulog mula sa langit,
O Lucifer, anak ng umaga!

Ikaw na lumagpak sa lupa,
na nagpahina sa mga bansa!

Sapagkat sinasabi mo sa iyong puso:
Aakyat ako sa langit,
itataas ko ang aking trono sa bundok ng mga bituin ng Diyos;
uupo rin ako sa itaas ng kapulungan,
sa mga kadulu-duluhan ng hilaga;

Aakyat ako sa ibabaw ng mga ulap;
matutulad ako sa Kataas-taasan.

Gayon pa man ay ibinulid ka sa impiyerno,
sa kalalim-laliman ng hukay.

2 Nephi 24:16-17

Sila na minsa'y natakot sa Babilonya ay hahamakin ito.

Sila na nakakikita sa iyo ay matamang magmamasid sa iyo,
at tititigan ka, at sasabihin:

Ito ba ang lalaking nagpayanig sa mundo,
na umuga sa mga kaharian?

At ginawang tulad ng ilang ang daigdig,
at nagwasak sa mga lunsod niyon,
at hindi binuksan ang bahay ng kanyang mga bilanggo?

2 Nephi 24:18-20

Ang pagbagsak ng Babilonya ay walang kaayusan at nakahihiya.

Lahat ng hari ng mga bansa,
oo, lahat sila, ay marangal na namamahinga,
bawat isa sa kani-kanilang sariling tahanan.

Subalit itinapon kang malayo sa iyong libingan na tulad sa karumal-dumal na sanga,
at ang labi ng mga yaong nasawi,
na mga sinaksak ng espada,
katulad ng bangkay na niyapak-yapakan ng mga paa
kasama ng mga bumababa sa libingang bato.

Hindi mo makakasama sila sa libing,
sapagkat winasak mo ang iyong lupain at pinatay mo ang iyong mga tao;
ang mga binhi ng mga manggagawa ng kasamaan ay hindi kailanman kikilalanin.

2 Nephi 24:21-23

Ang labi ng Babilonya ay mawawasak din.

Maghanda sa pagkakatay sa kanyang mga anak
dahil sa kasamaan ng kanilang mga ama,
upang hindi na sila magsibangon,
ni angkinin ang lupain,
ni punuin ng mga lunsod ang balat ng lupa.

Sapagkat babangon ako laban sa kanila,
wika ng Panginoon ng mga Hukbo,
at iwawaksi sa Babilonia ang pangalan,
at labi,
at anak na lalaki,
at pamangkin na lalaki,
wika ng Panginoon.

Gagawin ko ring pinaka-ari ng mga hayop na eriso,
ang mga latian;
at aking wawalisin ng pangwalis ng pagkawasak,
wika ng Panginoon ng mga Hukbo.