O sambahayan ni Jacob,
halina kayo at tayo ay magsilakad sa liwanag ng Panginoon;
oo, halina, sapagkat lahat kayo ay nangaligaw,
bawat isa sa kani-kanyang masasamang gawain.
Samakatwid, O Panginoon, binayaan ninyo ang inyong mga tao,
ang sambahayan ni Jacob,
dahil sa sila ay napuspos ng mga manggagaway na mula sa silangan,
at nakinig sa mga manghuhula gaya ng mga Filisteo,
at kanilang binibigyang-lugod ang kanilang sarili sa mga anak ng mga dayuhan.
Ang kanilang lupain ay puno rin ng pilak at ginto,
ni walang katapusan ang kanilang mga kayamanan;
at ang kanilang lupain ay puno rin ng mga kabayo,
ni walang katapusan ang bilang ng kanilang mga karo.
At ang kanilang lupain ay puno rin ng mga diyus-diyusan;
sinasamba nila ang gawa ng kanilang sariling mga kamay,
na gawa ng kanilang sariling mga daliri.
At ang taong hamak ay hindi yumuyuko,
at ang mataas na tao ay hindi nagpapakumbaba,
samakatwid, huwag siyang patawarin.
O kayong masasama,
pumasok kayo sa malaking bato,
at magkubli kayo sa alabok,
sapagkat ang takot sa Panginoon
at sa kaluwalhatian ng kanyang kamahalan
ang babagabag sa inyo.
At ito ay mangyayari na
ang mga mapagmataas na noo ng mga tao ay payuyukuin,
at ang mga mapagmataas ng tao ay ibababa,
at ang Panginoon lamang ang dadakilain sa araw na yaon.
Sapagkat ang araw ng Panginoon ng mga Hukbo ay malapit nang sumapit sa lahat ng bansa,
oo, sa lahat;
oo, sa palalo at matatayog,
at sa lahat ng mapagmataas,
at sila ay ibababa.
Oo, at sasapit ang araw ng Panginoon
sa lahat ng sedro ng Libano,
sapagkat sila ay matatayog at matataas;
at sa lahat ng encina ng Besan;
At sa lahat ng mataas na bundok,
at sa lahat ng burol,
at sa lahat ng bansang matayog,
at sa lahat ng tao;
At sa lahat ng mataas na tore,
at sa lahat ng nababakurang muog;
At sa lahat ng sasakyang-dagat ng dagat,
at sa lahat ng sasakyang-dagat ng Tarsis,
at sa lahat ng mainam na bagay.
At ang katayugan ng tao ay iyuyukod,
at ang mapagmataas ng tao ay ibababa;
at ang Panginoon lamang ang dadakilain sa araw na yaon.
At ang mga diyus-diyusan ay papawiin niya nang tuluyan.
At magtutungo sila sa mga bitak ng malalaking bato,
at sa loob ng mga guwang ng lupa,
sapagkat ang takot sa Panginoon ay mananaig sa kanila
at babagabagin sila ng kaluwalhatian ng kanyang kamahalan,
kapag pumarito siya upang labis na payanigin ang mundo.
Sa araw na yaon ay itatapon ng tao ang kanyang mga diyus-diyusang pilak,
at ang kanyang mga gintong diyus-diyusan,
na ginawa niya para sa sarili upang kanyang sambahin,
sa mga bilig at sa mga paniki;
Upang magtungo sa mga bitak ng malalaking bato,
at sa mga tuktok ng magagaspang na bato,
sapagkat ang takot sa Panginoon
ay mananaig sa kanila
at babagabagin sila ng kamahalan ng kanyang kaluwalhatian,
kapag pumarito siya upang labis na payanigin ang mundo.
Layuan ninyo ang tao,
na ang hininga ay nasa kanyang mga butas ng ilong;
sapagkat sa ano siya pahahalagahan?