Ang Sermon ni Jacob

Ipinaliwanag Ni Jacob Ang Pagbabayad-sala, Muling-pagkabuhay at Ang Paghuhukom

2 Nephi 9:1–3

Sinipi ni Jacob ang mga salita ni Isaias upang ang kanyang mga tao ay maaaring magkaroon ng pag-asa, dahil sila ay bahagi ng sambahayan ni Israel.

At ngayon, mga minamahal kong kapatid, binasa ko ang mga bagay na ito upang malaman ninyo ang hinggil sa mga tipan ng Panginoon na kanyang ipinakipagtipan sa buong sambahayan ni Israel—

Na siya ay nangusap sa mga Judio, sa pamamagitan ng bibig ng kanyang mga banal na propeta, maging mula sa simula, sa bawat sali’t salinlahi, hanggang sa dumating ang panahon na sila ay maibalik sa tunay na simbahan at kawan ng Diyos; kung kailan sila ay titipunin pauwi sa mga lupaing kanilang mana, at manirahan sa lahat ng kanilang mga lupang pangako.

Masdan, mga minamahal kong kapatid, sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang kayo ay magsaya, at itaas ang inyong mga ulo magpakailanman, dahil sa mga pagpapalang ipagkakaloob ng Panginoong Diyos sa inyong mga anak.

2 Nephi 9:4–5

Kinilala ni Jacob ang mga naisin ng mga tao na malaman ang tungkol sa hinaharap; siya ay nagpropesiya na si Jesukristo ay darating roon sa mga yaong nasa Jerusalem at mamamatay para sa sangkatauhan.

Sapagkat nalalaman kong marami sa inyo ang nagsaliksik na mabuti, upang malaman ang mga bagay na mangyayari; kaya nga alam kong nalalaman ninyo na ang ating laman ay tiyak na manghihina at mamamatay; gayunman, sa ating mga katawan ay makikita natin ang Diyos.

Oo, alam kong nalalaman ninyo na sa katawan siya ay magpapakita roon sa mga nasa Jerusalem, na ating pinanggalingan; sapagkat kinakailangang iyon ay sa kanila; sapagkat itinulot na ang dakilang Lumikha ay siya na ring magdusa upang mapasailalim ng tao sa laman, at mamatay para sa lahat ng tao, upang ang lahat ng tao ay mapasailalim sa kanya.

2 Nephi 9:6

Tulad na ang kamatayan ay bahagi ng plano ng Diyos, mayroon din namang salungat na puwersa: muling pagkabuhay.

Sapagkat kung paanong ang kamatayan ay napasalahat ng tao, upang matupad ang maawaing plano ng dakilang Lumikha, talagang kinakailangang magkaroon ng kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli, at ang pagkabuhay na mag-uli ay tiyak na mapapasa-tao dahil sa pagkahulog; at ang pagkahulog ay dumating dahil sa kasalanan; at dahil ang tao ay nahulog, sila ay nahiwalay mula sa harapan ng Panginoon.

2 Nephi 9:7

Napaglabanan ng muling pagkabuhay ang pagkahulog ng sangkatauhan at nagawang posible lamang sa pamamagitan ng walang hanggang pagbabayad-sala.

Anupa’t talagang kailangang ito ay maging walang hanggang pagbabayad-sala—maliban kung ito ay maging walang hanggang pagbabayad-sala ang may kabulukang ito ay hindi makapagbibihis ng walang kabulukan. Kaya nga, ang unang kahatulang sumapit sa tao ay tiyak na mananatili nang walang hanggang panahon. At kung magkagayon, ang katawang ito ay tiyak na malilibing upang mabulok at maagnas sa inang lupa, upang hindi na bumangon pang muli.

2 Nephi 9:8–9

Kung walang pagkabuhay na mag-uli, ang sangkatauhan ay magiging mga anghel sa diyablo.

O ang karunungan ng Diyos, ang kanyang awa at biyaya! Sapagkat masdan, kung ang katawang ito ay hindi na babangon pang muli ang ating espiritu ay tiyak na mapapasailalim sa anghel na yaon na itinakwil mula sa kinaroroonan ng Diyos na Walang Hanggan, at naging diyablo, upang hindi na bumangon pang muli.

At ang ating mga espiritu ay tiyak na matutulad sa kanya, at tayo ay magiging mga diyablo, mga anghel ng diyablo, upang masarahan mula sa kinaroroonan ng ating Diyos, at manatiling kasama ng ama ng kasinungalingan, sa kalungkutan, katulad ng kanyang sarili; oo, sa nilikhang yaon na dumaya sa ating mga unang magulang, na nag-anyo sa kanyang sarili na halos katulad ng isang anghel ng liwanag, at pinukaw ang mga anak ng tao sa mga lihim na pagsasabwatan ng pagpaslang at lahat ng uri ng lihim na gawain ng kadiliman.

2 Nephi 9:10–12

Pinawalang-alinlangan ni Jacob ang temporal na kamatayan at spiritual na kamatayan.

O kaydakila ng kabutihan ng ating Diyos, na naghanda ng daan upang tayo ay makawala mula sa mahigpit na pagkakahawak ng kakila-kilabot na halimaw na ito; oo, yaong halimaw, na kamatayan at impiyerno, na tinatawag kong kamatayan ng katawan, at kamatayan din ng espiritu. At dahil sa paraan ng pagliligtas ng ating Diyos, ang Banal ng Israel, angbkamatayang ito, na aking sinabi, na temporal, ay palalayain ang patay nito; kung aling kamatayan ay libingan.

At ang kamatayang ito na aking sinabi, na kamatayang espirituwal, ay palalayain ang kanyang mga patay; na kung aling kamatayang espirituwal ay impiyerno; anupa’t ang kamatayan at impiyerno ay kailangang palayain ang kanilang mga patay, at ang impiyerno ay kailangang palayain ang bihag nitong mga espiritu, at ang libingan ay kailangang palayain ang bihag nitong mga katawan, at ang mga katawan at espiritu ng tao ay magsasamang muli sa isa’t isa; at ito ay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli ng Banal ng Israel.

2 Nephi 9:13–14

Ang pagkabuhay na mag-uli ay lumilikha ng katawang walang kabulukan na may ganap na kaalaman.

O kaydakila ng plano ng ating Diyos! Sapagkat sa kabilang dako, ang paraiso ng Diyos ay tiyak na palalayain ang mga espiritu ng mabubuti, at ang libingan ay palalayain ang katawan ng mabubuti; at ang espiritu at katawan ay magsasamang muli sa sarili nito, at lahat ng tao ay magiging walang kabulukan, at walang kamatayan, at sila ay mga buhay na kaluluwa, na may ganap na kaalamang katulad natin na nasa laman, maliban lamang na ang ating kaalaman ay magiging ganap.

Anupa’t tayo ay magkakaroon ng ganap na kaalaman ng lahat ng ating mga pagkakasala, at ng ating karumihan, at ng ating kahubaran; at ang mabubuti ay magkakaroon ng ganap na kaalaman ng kanilang kasiyahan, at ng kanilang kabutihan, na nabibihisan ng kadalisayan, oo, maging ng bata ng kabutihan.

2 Nephi 9:15–16

Kasunod ng pagkabuhay na mag-uli ay darating ang paghuhukom, na kung saan ang sangkatauhan ay hindi magagawang magpalit sa pagitan ng kalagayan ng kalinisan at karumihan.

At ito ay mangyayari na kapag ang lahat ng tao ay makalampas mula sa unang kamatayang ito tungo sa pagkabuhay, kung kaya nga’t sila ay naging walang kamatayan, sila ay tiyak na haharap sa hukumang-luklukan ng Banal ng Israel; at ang kahatulan ay igagawad, at sila’y kailangang hatulan alinsunod sa banal na paghuhukom ng Diyos.

At tunay, yamang ang Panginoon ay buhay, sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagsabi nito, at ito ay kanyang walang hanggang salita, na hindi maaaring maglaho, na sila na mabubuti ay mananatili pa ring mabubuti, at sila na marurumi ay mananatili pa ring marurumi; samakatwid, sila na marurumi ay diyablo at kanyang mga anghel; at sila ay matutungo sa walang hanggang apoy, na inihanda para sa kanila; at ang kanilang pagdurusa ay magiging kagaya ng lawa ng apoy at asupre, na ang ningas ay pumapailanglang magpakailanman at walang katapusan.