At ito ay mangyayari na kapag ang lahat ng tao ay makalampas mula sa unang kamatayang ito tungo sa pagkabuhay, kung kaya nga’t sila ay naging walang kamatayan, sila ay tiyak na haharap sa hukumang-luklukan ng Banal ng Israel; at ang kahatulan ay igagawad, at sila’y kailangang hatulan alinsunod sa banal na paghuhukom ng Diyos.
At tunay, yamang ang Panginoon ay buhay, sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagsabi nito, at ito ay kanyang walang hanggang salita, na hindi maaaring maglaho, na sila na mabubuti ay mananatili pa ring mabubuti, at sila na marurumi ay mananatili pa ring marurumi; samakatwid, sila na marurumi ay diyablo at kanyang mga anghel; at sila ay matutungo sa walang hanggang apoy, na inihanda para sa kanila; at ang kanilang pagdurusa ay magiging kagaya ng lawa ng apoy at asupre, na ang ningas ay pumapailanglang magpakailanman at walang katapusan.