At ito ay nangyari na, nang si Coriantumer ay gumaling sa kanyang mga sugat, nagsimula niyang maalaala ang mga salitang sinabi sa kanya ni Eter. Nakita niyang may napatay na halos dalawang milyon ng kanyang mga tao sa pamamagitan ng espada, at siya ay nagsimulang malungkot sa kanyang puso; oo, may dalawang milyon na ang napatay sa magigiting na kalalakihan, at gayon din ang kanilang mga asawa at kanilang mga anak. Siya ay nagsimulang magsisi sa kasamaang nagawa niya; nagsimula niyang maalaala ang mga salitang sinabi ng bibig ng lahat ng propeta, at nakita niya na ang mga ito ay natutupad na nang unti-unti; bawat kaliit-liitang bagay; at ang kanyang kaluluwa ay nagdalamhati at tumangging maaliw.