Ang Panahon ng Mga Jaredita

Nabigong Negosasyon at ang Panimulang Pagsalakay

Eter 15:1–3

Si Coriantumer na gumagaling mula sa kanyang mga sugat ay nakaalala sa mga propesiya ni Eter; nakikita ang milyong mga tao na patay sa panig niya, siya ay nagsimulang magsisi.

At ito ay nangyari na, nang si Coriantumer ay gumaling sa kanyang mga sugat, nagsimula niyang maalaala ang mga salitang sinabi sa kanya ni Eter. Nakita niyang may napatay na halos dalawang milyon ng kanyang mga tao sa pamamagitan ng espada, at siya ay nagsimulang malungkot sa kanyang puso; oo, may dalawang milyon na ang napatay sa magigiting na kalalakihan, at gayon din ang kanilang mga asawa at kanilang mga anak. Siya ay nagsimulang magsisi sa kasamaang nagawa niya; nagsimula niyang maalaala ang mga salitang sinabi ng bibig ng lahat ng propeta, at nakita niya na ang mga ito ay natutupad na nang unti-unti; bawat kaliit-liitang bagay; at ang kanyang kaluluwa ay nagdalamhati at tumangging maaliw.

Eter 15:4–5

Sumulat si Coriantumer kay Shiz ng isang liham hinihiling na siya ay sumuko upang matigil ang pagkawala ng marami pang buhay—tumugon si Shiz at nagsabi na kung si Coriantumer ay ibibigay ang kanyang buhay kay Shiz, hindi papatayin ni Shiz ang mga tao.

At ito ay nangyari na, na siya ay sumulat ng isang liham kay Shiz, hinihiling sa kanya na huwag niyang kitlin ang buhay ng mga tao, at isusuko niya ang kaharian alang-alang sa buhay ng mga tao. At ito ay nangyari na, nang matanggap ni Shiz ang kanyang liham siya ay sumulat ng isang liham kay Coriantumer, na kung isusuko niya ang kanyang sarili, upang kanyang mapatay siya sa pamamagitan ng kanyang sariling espada, na hindi na niya kikitlin ang buhay ng mga tao.

Eter 15:6–7

Nakikita ang tugon na ito, si Coriantumer ay nagalit, at nagsimulang maghanda upang sumalakay kay Shiz.

At ito ay nangyari na, na ang mga tao ay hindi nagsisi ng kanilang kasamaan; at ang mga tao ni Coriantumer ay napukaw sa galit laban sa mga tao ni Shiz; at ang mga tao ni Shiz ay napukaw sa galit laban sa mga tao ni Coriantumer; anupa’t ang mga tao ni Shiz ay nakidigma sa mga tao ni Coriantumer. At nang makita ni Coriantumer na malapit na siyang bumagsak siya ay muling tumakas sa harapan ng mga tao ni Shiz.

Eter 15:8–9

Dinala ni Coriantumer at Shiz ang kanilang mga hukbo malapit sa mga tubig ng Ripliancum, at nakipaglaban sa isa’t isa—si Coriantumer ay muling sugatan, at nawalan ng malay dahil sa kawalan ng dugo.

At ito ay nangyari na, na siya ay nakarating sa mga tubig ng Ripliancum, na, sa pagkakasalin, ay malaki, o nakahihigit sa lahat; dahil dito, nang sila ay makarating sa mga tubig na ito ay itinayo nila ang kanilang mga tolda; at itinayo rin ni Shiz ang kanyang mga tolda sa malapit sa kanila; at samakatwid kinabukasan sila ay humayo sa digmaan. At ito ay nangyari na, na sila ay naglaban sa napakasidhing digmaan, kung saan si Coriantumer ay muling nasugatan, at siya ay nawalan ng malay dahil sa kawalan ng dugo.

Eter 15:10–11

Gayunpaman, ang hukbo ni Coriantumer ay nagawang maitaboy ang puwersa ni Shiz patimog, sa isang lugar na tinatawag na Ogat; ang hukbo ni Coriantumer ay nagtayo ng kuta malapit sa burol na tinatawag na Ramas.

At ito ay nangyari na, na ang mga hukbo ni Coriantumer ay sumalakay sa mga hukbo ni Shiz kung kaya’t kanilang nagapi sila, kung kaya’t nagawa nilang sila’y patakbuhin sa kanilang harapan; at sila ay tumakas patimog, at itinayo ang kanilang mga tolda sa lugar na tinatawag na Ogat. At ito ay nangyari na, na itinayo ng mga hukbo ni Coriantumer ang kanilang mga tolda sa burol ng Rama; at ito ang yaon ding burol kung saan ikinubli ng aking amang si Mormon ang mga talaan ayon sa Panginoon, na mga banal.

Eter 15:12–14

Sa loob ng apat na taon ang mga Jaredita ay nagtipon-tipong magkakasama, at umanib sa panig ni Coriantumer o sa panig ni Shiz; samantalang, si Eter ay nakatingin mula sa malayo.

At ito ay nangyari na, na magkakasama nilang tinipon ang lahat ng tao sa ibabaw ng buong lupain, na hindi napatay, maliban kay Eter. At ito ay nangyari na, na namasdan ni Eter ang lahat ng gawain ng mga tao; at namasdan niya na ang mga taong pumanig kay Coriantumer ay tinipon sa hukbo ni Coriantumer; at ang mga taong pumapanig kay Shiz ay tinipon sa hukbo ni Shiz. Samakatwid, sa loob ng apat na taon kanilang tinipon ang mga tao, upang makuha nila ang lahat ng tao sa ibabaw ng lupain, at upang makatanggap sila ng lahat ng lakas na maaari nilang matanggap.