Kaya nga, ito ay mangyayari na ang sinumang hindi maniniwala sa aking mga salita, ako na si Jesucristo, na papapangyarihin ng Ama na dalhin niya sa mga Gentil, at bibigyan siya ng kapangyarihan na kanyang madala ang mga iyon sa mga Gentil, (ito ay mangyayari maging katulad ng winika ni Moises) sila ay mahihiwalay sa aking mga tao na kasama sa tipan.
At ang aking mga tao na mga labi ni Jacob
ay mapapasa mga Gentil,
oo, sa gitna nila na kagaya ng isang leon sa mga hayop sa gubat,
katulad ng isang batang leon sa mga kawan ng tupa,
na siya, kung makapapasok ay susunggaban niya at pagluluray-lurayin,
at walang makapagliligtas.
Ang kanilang mga kamay ay itataas sa kanilang mga kaaway,
at ang lahat ng kanilang mga kaaway ay lilipulin.
Oo, sa aba sa mga Gentil maliban kung sila ay magsisisi;
sapagkat ito ay mangyayari na sa araw na yaon, wika ng Ama,
na aking ihihiwalay ang inyong mga kabayo sa gitna ninyo,
at aking wawasakin ang inyong mga karuwahe;
At aking wawasakin ang mga lunsod ng inyong lupain,
at ibabagsak ang inyong mga muog;
At aking wawasakin ang mga pangkukulam sa inyong mga lupain,
at hindi na kayo magkakaroon pa ng mga manghuhula;
Ang inyong mga inukit na larawan ay akin ding wawasakin
at ihihiwalay ang inyong nakatayong mga imahen sa gitna ninyo,
at hindi na ninyo sasambahin pa ang mga gawa ng inyong mga kamay;
At aking bubunutin ang inyong mga puno sa gitna ninyo;
akin ding wawasakin ang inyong mga lunsod.
At ito ay mangyayari na ang lahat ng pagsisinungaling,
at mga panlilinlang, at inggitan, at sigalutan,
at huwad na pagkasaserdote, at pagpapatutot, ay matitigil.
Sapagkat ito ay mangyayari, wika ng Ama,
na sa araw na yaon ang sinumang hindi magsisisi
at lalapit sa aking Minamahal na Anak,
sila ay ihihiwalay ko sa aking mga tao, O sambahayan ni Israel;
At aking isasagawa ang paghihiganti at matinding galit sa kanila,
maging tulad sa mga pagano, na hindi pa nila narinig.
Ngunit kung sila ay magsisisi at makikinig sa aking mga salita, at hindi patitigasin ang kanilang mga puso, itatatag ko ang aking simbahan sa kanila, at sila ay makikipagtipan at ibibilang sa mga ito na labi ni Jacob, kung kanino aking ibinigay ang lupaing ito bilang kanilang mana;
At sila ay tutulong sa aking mga tao, na labi ni Jacob, at gayon din kasindami ng sambahayan ni Israel na darating upang kanilang maitayo ang isang lunsod, na tatawaging ang Bagong Jerusalem. At pagkatapos sila ay tutulong sa aking mga tao upang sila ay matipon, na nangagkalat sa balat ng lupa, patungo sa Bagong Jerusalem. At pagkatapos, ang kapangyarihan ng langit ay bababa sa kanila; at ako rin ay mapapasagitna nila.
At pagkatapos, ang gawain ng Ama ay magsisimula sa araw na yaon, maging ang ebanghelyong ito ay ipangangaral sa labi ng mga taong ito. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, sa araw na yaon ang gawain ng Ama ay magsisimula sa lahat ng nakalat na mga tao ko, oo, maging ang mga liping nawala, na inakay ng Ama palayo sa Jerusalem.
Oo, ang gawain ay magsisimula sa lahat ng naikalat na mga tao ko, na ang Ama ang maghahanda ng daan kung paano sila makalalapit sa akin, upang sila ay makapanawagan sa Ama sa aking pangalan.
Oo, at pagkatapos ang gawain ay magsisimula, kasama ang Ama, sa lahat ng bansa sa paghahanda ng daan kung paano ang kanyang mga tao ay maaaring matipong pauwi sa lupaing kanilang mana.
At sila ay lalabas mula sa lahat ng bansa; at hindi sila lalabas na nagmamadali, o aalis na patakas, sapagkat ako ang mauuna sa kanila, wika ng Ama, at ako ang kanilang magiging bantay sa likod.