Inihayag ni Hesus ang Mga Propeta

Ang Tipan ni Abraham Pinalawak [Isaias 54:1-7]

3 Nephi 22:1–4

Ang mga hindi nagkakaanak na kababaihan ay magagalak at palalawakin ang kanilang mga tolda: ang mga baog na sambahayan ay mapupunuan ng mga tao.

At pagkatapos, yaong nasusulat ay mangyayari:

Umawit, O baog,
ikaw na hindi nagkaanak;
magsimula kang umawit;
at sumigaw nang malakas,
ikaw na hindi nagdamdam sa panganganak ng bata;
sapagkat higit na marami ang mga anak ng pinabayaan
kaysa sa mga anak ng may asawa, wika ng Panginoon.

Palakihin ang dako ng iyong tolda,
at bayaan silang iladlad ang mga tabing ng iyong mga tahanan;
huwag kayong magtipid, habaan mo ang iyong mga lubid at patibayin mo ang iyong mga istaka;

Sapagkat ikaw ay magsisimula sa kanang kamay at sa kaliwa,
at ang iyong mga binhi ay mamanahin ang mga sa Gentil at ang mga pinabayaang lunsod ay magkakaroon ng maninirahan.

Huwag matakot, sapagkat ikaw ay hindi mapapahiya;
ni ikaw ay hahamakin;
sapagkat hindi ka malalagay sa kahihiyan;
sapagkat malilimutan mo ang kahihiyan ng iyong kabataan,
at hindi maaalaala ang kadustahan ng iyong kabataan,
at hindi mo na maaalaala pa ang kasiraan ng iyong pagkabalo.

3 Nephi 22:5–6

Ang Panginoon ay magtutubos sa kanyang mga tao at pagpapalain sila.

Sapagkat ang iyong tagapaglikha, ang iyong asawa, Panginoon ng mga Hukbo ang kanyang pangalan;
at ang iyong Manunubos, Ang Banal ng Israel—
ang Diyos ng buong mundo siya ay tatawagin.

Sapagkat tinawag ka ng Panginoon katulad ng isang babaing
pinabayaan ng kanyang asawa at nagdadalamhati sa espiritu,
at isang asawa ng kabataan, nang ikaw ay itinakwil, wika ng iyong Diyos.

3 Nephi 22:7–8

Ang Diyos sa bawat sandali ay iniiwan ang kanyang mga tao, subalit palaging bumabalik na may kabaitan at awa.

Sa maikling sandali ay pinabayaan kita,
ngunit sa malaking pagkaawa ay titipunin kita.

Sa munting pagkagalit ay ikinubli ko sandali ang aking mukha sa iyo,
ngunit sa walang hanggang kabutihan, ako ay maaawa sa iyo,
wika ng Panginoon mong Manunubos.

3 Nephi 22:9–10

Tulad ng tipan kay Noa na nangangako na hindi na magkakaroon ng malawakang baha, ang bagong tipan ay nangangako ng walang-hanggang pagmamahal at awa.

Sapagkat katulad nito, ang mga tubig ng Noe sa akin,
sapagkat katulad ng aking isinumpa na ang mga tubig ng Noe
ay hindi na aagos pa sa lupa,
sa gayon ako ay sumumpang hindi na ako mapopoot sa iyo.

Sapagkat ang mga bundok ay maglalaho at ang mga burol ay maaalis,
ngunit ang aking kabaitan kailanman ay hindi maglalaho sa iyo,
ni ang tipan ng aking kapayapaan ay maaalis,
wika ng Panginoon na naaawa sa iyo.

3 Nephi 22:11–13

Ang Israel ay lubos na pangangalagaan ng Panginoon.

O ikaw na nahirapan, na sinisiklot ng unos, at hindi naaliw!

Masdan, ilalatag ko ang iyong mga bato nang may maiinam na kulay,
at lalatagan ang iyong mga saligan ng mga sapiro.

At gagawin kong agata ang iyong mga durungawan,
at karbungko ang iyong mga pintuang-bayan,
at mahahalagang bato ang iyong mga hangganan.

At lahat ng iyong mga anak ay tuturuan ng Panginoon;
at malaki ang magiging kapayapaan ng iyong mga anak.

3 Nephi 22:14–15

Ang Israel ay magtatamasa ng kapayapaan sa pagtitipon.

Sa kabutihan ikaw ay matatatag;
ikaw ay malalayo mula sa mga pang-aapi sapagkat hindi ka matatakot,
at sa kinasisindakan sapagkat hindi ito lalapit sa iyo.

Masdan, sila ay tiyak na magkakasamang sasalakay laban sa iyo, hindi sa kapahintulutan ko;
sinumang magkakasamang sasalakay
laban sa iyo ay mabubuwal para sa iyong kapakanan.

3 Nephi 22:16–17

Ang Israel ay magiging ganap na matagumpay sa lakas ng katwiran ng Panginoon.

Masdan, aking nilikha ang panday na umiihip sa mga baga na nasa apoy,
at gumagawa ng kasangkapan para sa kanyang gawain;
at aking nilikha ang manglilipol upang manglipol.

Walang sandatang ginawa laban sa iyo ang magtatagumpay;
at bawat dilang hahamak laban sa iyo sa kahatulan
ay pasisinungalingan mo.

Ito ang mana ng mga tagapaglingkod ng Panginoon,
at ang kanilang kabutihan ay sa akin, wika ng Panginoon.