Ang Ministeryo ng Mesias

Ang Pagdating ni Hesus

3 Nephi 11:1–2

Ang malaking pangkat ng mga Nephita ay nagtipon malapit sa templo ng Masagana, nag-uusap tungkol kay Jesukristo at namamangha sa mga nabagong kalupaan.

At ngayon ito ay nangyari na, na may napakaraming tao na sama-samang nagtipon sa mga tao ni Nephi, sa paligid ng templo na nasa lupaing Masagana; at sila ay nanggigilalas at namamangha sa isa’t isa, at isinasalaysay sa isa’t isa ang malaki at kagila-gilalas na pagbabagong nangyari. At sila rin ay nangag-uusap tungkol sa Jesucristong ito, na kung kanino ang palatandaan ay ibinigay hinggil sa kanyang kamatayan.

3 Nephi 11:3

Bilang sila ay nakarinig ng isa pang tinig mula sa langit, at kahit inantig nito ang kanilang mga puso at mga kaluluwa, hindi nila ito maunawaan.

At ito ay nangyari na, na habang sila ay nasa gayong pakikipag-usap sa isa’t isa, sila ay nakarinig ng tinig na parang nanggagaling sa langit; at iginala nila ang kanilang mga paningin sa paligid, sapagkat hindi nila naunawaan ang tinig na kanilang narinig; at iyon ay hindi garalgal na tinig, ni hindi ito malakas na tinig; gayunpaman, at sa kabila ng ito ay isang maliit na tinig, iyon ay tumimo sa kanila na nakaririnig hanggang sa kaibuturan, kung kaya’t walang bahagi ng kanilang katawan ang hindi nagawang panginigin nito; oo, iyon ay tumimo sa kanilang pinaka-kaluluwa, at nagpaalab sa kanilang mga puso.

3 Nephi 11:4

Ang tinig ay muling narinig sa ikalawang pagkakataon, subalit muli ay hindi nila ito maunawaan.

At ito ay nangyari na, na muli nilang narinig ang tinig, at hindi nila ito naunawaan.

3 Nephi 11:5–7

Narinig nila ang tinig muli sa ikatlong pagkakataon, at sa oras na ito nakilala nila na ito ay tinig ng Diyos Ama, inihahayag ang kanyang anak na si Jesukristo.

At muli, sa ikatlong pagkakataon narinig nila ang tinig, at binuksan ang kanilang mga tainga upang marinig ito; at ang kanilang mga mata ay tumingin sa pinanggagalingan ng tunog niyon; at sila ay walang kurap na tumingin sa langit, kung saan ang tunog ay nanggagaling. At masdan, sa ikatlong pagkakataon ay naunawaan nila ang tinig na kanilang narinig; at sinabi nito sa kanila:

Masdan, ang Minamahal kong Anak, na siya kong labis na kinalulugdan, sa kanya ay niluwalhati ko ang aking pangalan—pakinggan ninyo siya.

3 Nephi 11:8

At sila ay nakinig sa tinig ng Diyos, at nakita nila ang isang lalaki sa isang puting bata na pumapanaog mula sa Langit at bumaba at tumindig sa kanila.

At ito ay nangyari na, nang kanilang maunawaan ay muli nilang itinuon ang kanilang mga paningin sa langit; at masdan, nakita nila ang isang Lalaking bumababa mula sa langit; at siya ay nabibihisan ng isang maputing bata; at siya ay bumaba at tumayo sa gitna nila; at ang mga paningin ng lahat ng tao ay natuon sa kanya, at hindi nila tinangkang buksan ang kanilang mga bibig, maging sa isa’t isa, at hindi malaman ang kahulugan nito, sapagkat inakala nila na isang anghel ang nagpakita sa kanila.

3 Nephi 11:9–11

Ipinakilala niya ang kanyang sarili bilang ang iprinopesiyang Jesukristo, na ibibigay ang kanyang sarili bilang hain para sa sangkatauhan.

At ito ay nangyari na, na iniunat niya ang kanyang kamay at nangusap sa mga tao, sinasabing:

Masdan, ako si Jesucristo, na siyang pinatotohanan ng mga propeta na paparito sa daigdig. At masdan, ako ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan; at ako ay uminom sa mapait na sarong ibinigay ng Ama sa akin, at niluwalhati ang Ama sa pagdadala ko ng mga kasalanan ng sanlibutan, na kung saan aking binata ang kalooban ng Ama sa lahat ng bagay magbuhat pa sa simula.

3 Nephi 11:12

Ang mga tao ay nangalugmog sa lupa nang maalala nila ang mga propesiya sa pagparito ni Cristo sa lupang pangako.

At ito ay nangyari na, nang sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, ang lahat ng tao ay nangabuwal sa lupa; sapagkat kanilang naalaalang iprinopesiya sa kanila na ipakikita ni Cristo ang kanyang sarili sa kanila pagkatapos na siya ay umakyat sa langit.

3 Nephi 11:13–14

Inanyayahan ni Jesus ang mga tao na tumindig, at hiniling sa kanila na salatin ang mga bakas ng pako sa kanyang mga kamay at paa.

At ito ay nangyari na, na ang Panginoon ay nangusap sa kanila sinasabing:

Bumangon at lumapit sa akin, upang inyong maihipo ang inyong mga kamay sa aking tagiliran, at upang inyo ring masalat ang bakas ng pako sa aking mga kamay at aking mga paa, upang inyong malaman na ako nga ang Diyos ng Israel, at ang Diyos ng buong sangkatauhan, at pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan.

3 Nephi 11:15

Ang mga tao ay nagsibangon, sinalubong at dinama si Jesus, at nalaman sa kanilang sarili ang kanyang pagiging Diyos.

At ito ay nangyari na, na ang maraming tao ay lumapit, at inihipo ang kanilang mga kamay sa kanyang tagiliran, at sinalat ang bakas ng pako sa kanyang mga kamay at kanyang mga paa; at ito ay ginawa nila, isa-isang nagsilapit hanggang sa ang lahat ay makalapit, at nakita ng kanilang mga mata at nadama ng kanilang mga kamay, at nalaman nang may katiyakan at nagpatotoo, na ito ay siya nga, na siyang isinulat ng mga propeta, na paparito.

3 Nephi 11:16–17

Pinuri nila ang Diyos at sinamba si Jesus.

At nang lahat sila ay makalapit at makasaksi para sa kanilang sarili, sila ay sumigaw sa iisang tinig, sinasabing:

Hosana! Purihin ang pangalan ng Kataas-taasang Diyos!

At sila ay nagsiluhod sa paanan ni Jesus, at sinamba siya.