Ang Ministeryo ng Mesias

Ang Pagbalik ni Hesus at Mga Panalangin

3 Nephi 19:15

Si Jesus ay bumalik, at tumindig kasama ang mga anghel at mga tao.

At ito ay nangyari na, na samantalang ang mga anghel ay naglilingkod sa mga disipulo, masdan, dumating si Jesus at tumayo sa gitna at naglingkod sa kanila.

3 Nephi 19:16

Sinabi ni Jesus sa bawat isa na lumuhod.

At ito ay nangyari na, na siya ay nangusap sa maraming tao, at inutusan silang lumuhod na muli sa lupa, at gayon din na ang kanyang mga disipulo ay nararapat magsiluhod sa lupa.

3 Nephi 19:17–18

Inutusan ni Jesus ang mga disipulo na manalangin; sila ay nagsimulang manalangin sa kanya.

At ito ay nangyari na, nang silang lahat ay nakaluhod na sa lupa, inutusan niya ang kanyang mga disipulo na sila ay manalangin. At masdan, sila ay nagsimulang manalangin; at sila ay nanalangin kay Jesus, tinatawag siya na kanilang Panginoon at kanilang Diyos.

3 Nephi 19:19–23

Si Jesus ay lumayo, at nagsimulang manalangin ng sarili, pinasasalamatan ang kanyang Ama sa pagkakaloob ng Banal na Espiritu sa mga tao at humihiling ng karagdagang lakas ng pananampalataya sa kanila.

At ito ay nangyari na, na si Jesus ay umalis sa gitna nila, at lumayo nang kaunti sa kanila at iniyukod niya ang sarili sa lupa, at kanyang sinabi:

Ama, nagpapasalamat ako sa inyo na inyong ipinagkaloob ang Espiritu Santo sa mga ito na aking pinili; at ito ay dahil sa kanilang paniniwala sa akin kung kaya’t pinili ko sila mula sa sanlibutan.

Ama, idinadalangin ko sa inyo na ipagkaloob ninyo ang Espiritu Santo sa kanilang lahat na maniniwala sa kanilang mga salita.

Ama, ipinagkaloob ninyo sa kanila ang Espiritu Santo sapagkat sila ay naniniwala sa akin; at inyong nakikita na sila ay naniniwala sa akin sapagkat inyong naririnig sila, at sila ay nananalangin sa akin; at sila ay nananalangin sa akin sapagkat ako ay kasama nila.

At ngayon Ama, ako ay nananalangin sa inyo para sa kanila, at gayon din para sa lahat ng yaong maniniwala sa kanilang mga salita, upang sila ay maniwala sa akin, at nang ako ay mapasakanila kagaya ninyo, Ama, na nasa akin, upang tayo ay maging isa.

3 Nephi 19:24

Si Jesus ay bumalik sa kanyang mga disipulo, na nananalangin parin sa kanya.

At ito ay nangyari na, nang si Jesus ay makapanalangin nang gayon sa Ama, siya ay lumapit sa kanyang mga disipulo, at masdan, sila ay nagpatuloy, nang walang humpay, sa pananalangin sa kanya; at hindi sila nagparami ng mga salita, sapagkat ipinagkaloob sa kanila ang nararapat nilang idalangin, at sila ay puspos ng hangarin.

3 Nephi 19:25

Binasbasan ni Jesus ang kanyang mga disipulo at ngumiti sa kanila.

At ito ay nangyari na, na sila ay pinagpala ni Jesus habang sila ay nananalangin sa kanya; at ang kanyang mukha ay ngumiti sa kanila, at ang liwanag sa kanyang mukha ay suminag sa kanila, at masdan, sila ay naging kasingputi ng anyo at kasuotan ni Jesus; at masdan, ang kaputian niyon ay nakahihigit sa lahat ng kaputian, oo, maging sa walang makatutulad sa ibabaw ng lupa sa kaputian niyon.

3 Nephi 19:26

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga disipulo na magpatuloy sa panalangin.

At sinabi ni Jesus sa kanila:

Magpatuloy na manalangin;

gayunpaman, hindi sila tumigil sa pananalangin.

3 Nephi 19:27–29

Si Jesus ay lumayong muli upang manalangin sa ikalawang pagkakataon; humiling siya na ang kanyang mga disipulo ay mapadalisay, at maging isa sa kanya.

At muli siyang tumalikod sa kanila, at lumayo nang kaunti at iniyukod niya ang sarili sa lupa; at muling nanalangin sa Ama, sinasabing:

Ama, nagpapasalamat ako sa inyo na inyong dinalisay yaong aking mga pinili, dahil sa kanilang pananampalataya, at nananalangin ako para sa kanila, at gayon din sa kanila na maniniwala sa kanilang mga salita, upang sila ay maging dalisay sa akin, sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanilang mga salita, kagaya ng pagiging dalisay nila sa akin.

Ama, ako ay nananalangin hindi para sa sanlibutan, kundi para sa mga yaong ibinigay ninyo sa akin mula sa sanlibutan, dahil sa kanilang pananampalataya, upang sila ay maging dalisay sa akin, upang ako ay mapasakanila kagaya ninyo, Ama, na nasa akin, upang tayo ay maging isa, upang ako ay luwalhatiin sa kanila.

3 Nephi 19:30–32

Si Jesus ay bumalik sa kanyang mga disipulo, ngumiti nang makita na sila parin ay nananalangin, at muli ay lumayo upang manalangin sa kanyang Ama sa ikatlong pagkakataon.

At nang sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, muli siyang lumapit sa kanyang mga disipulo; at masdan, sila ay mataimtim na nananalangin, nang walang humpay, sa kanya; at siya ay muling ngumiti sa kanila; at masdan, sila ay mapuputi, maging katulad ni Jesus. At ito ay nangyari na, na siya ay muling lumayo nang kaunti at nanalangin sa Ama; At hindi maaaring bigkasin ng dila ang mga salitang kanyang idinalangin, ni maaaring isulat ng tao ang mga salitang kanyang idinalangin.

3 Nephi 19:33–34

Ang panalangin ni Jesus ay dakila at kagila-gilalas kaya hindi sila maaaring ulitin at maisulat.

At narinig ito ng maraming tao at nagpatotoo; at nabuksan ang kanilang mga puso at naunawaan nila sa kanilang mga puso ang mga salitang kanyang idinalangin. Gayon pa man, napakadakila at kagila-gilalas ang mga salitang kanyang idinalangin kung kaya’t hindi maaaring isulat, ni bigkasin ang mga ito ng tao.

3 Nephi 19:35–36

Si Jesus ay natapos sa panalangin, at pinuri ang kanyang mga tagasunod para sa kanilang malaking pananampalataya.

At ito ay nangyari na, nang matapos si Jesus sa pananalangin, muli siyang lumapit sa mga disipulo, at sinabi sa kanila:

Napakadakila ng pananampalataya na hindi ko kailanman nakita sa lahat ng Judio; kaya nga hindi ko maipakita sa kanila ang mga gayong kadakilang himala, dahil sa kawalan nila ng paniniwala. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, walang isa man sa kanila ang nakakita ng mga gayong kadakilang bagay na inyong nakita; ni kanilang narinig ang mga gayong kadakilang bagay na inyong narinig.