Ang Lupain ni Nephi

Ang Mga Ministeryo ni Omni, Amaron, Chemish, at Abinadom

Omni 1–2

Si Omni ay sumali sa maraming labanan sa mga Lamanita upang pangalagaan ang kanyang mga tao.

Masdan, ito ay nangyari na, na ako, si Omni, na inutusan ng aking ama, si Jarom, na dapat akong magsulat kahit paano sa mga laminang ito, upang mapangalagaan ang aming talaangkanan— Anupa’t sa mga araw ko, nais kong malaman ninyo na nakipaglaban ako nang husto sa pamamagitan ng espada upang mapangalagaan ang aking mga tao, ang mga Nephita, mula sa pagkahulog sa mga kamay ng kanilang mga kaaway, ang mga Lamanita.

Omni 2

Aminado si Omni sa kanyang pagiging masamang tao.

Subalit masdan, ako rin sa aking sarili ay isang masamang tao, at hindi ko sinunod ang mga batas at ang mga kautusan ng Panginoon na dapat ko sanang ginawa.

Omni 3

Sa kalagitnaan ng panahon ng digmaan, ipinagkaloob ni Omni ang mga talaan sa kanyang anak na si Amaron.

At ito ay nangyari na, na lumipas ang dalawang daan at pitumpu at anim na taon, at nagkaroon kami ng mahabang panahon ng kapayapaan; at nagkaroon kami ng mahabang panahon ng malubhang digmaan at pagdanak ng dugo. Oo, at sa madaling salita, lumipas ang dalawang daan at walumpu at dalawang taon, at iningatan ko ang mga laminang ito alinsunod sa mga kautusan ng aking mga ama; at ipinagkatiwala ko ang mga ito sa aking anak na lalaki na si Ameron. At ako ay nagtatapos.

Omni 4–7

Iniulat ni Amaron na ang malaking bahagi ng mga hindi matatapat na mga Nephita ay nalipol sa digmaan, subalit ang mga matwid ay naligtas.

At ngayon, ako, si Ameron, ay isinusulat ang anumang mga bagay na aking maisusulat, na kakaunti, sa aklat ng aking ama. Masdan, ito ay nangyari na, na lumipas ang tatlong daan at dalawampung taon, at ang higit na masasamang bahagi ng mga Nephita ay nalipol.

Sapagkat hindi pahihintulutan ng Panginoon, matapos niya silang akayin palabas ng lupain ng Jerusalem at inaruga at pinangalagaan sila upang hindi bumagsak sa mga kamay ng kanilang mga kaaway, oo, hindi niya ipahihintulot na hindi mapatunayan ang mga salita, na kanyang sinabi sa aming mga ama, sinasabi na:

Habang hindi kayo sumusunod sa aking mga kautusan,
kayo ay hindi uunlad sa lupain.

Kaya nga, pinarusahan sila ng Panginoon sa dakilang paghahatol; gayon pa man, kinaawaan niya ang mga matwid upang hindi sila mangasawi, kundi iniligtas sila mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway.

Omni 8

Ipinagkaloob ni Amaron ang mga talaan sa kanyang kapatid na si Chemis.

At ito ay nangyari na, na ibinigay ko ang mga lamina sa aking kapatid na si Chemis.

Omni 9

Ipinaliwanag ni Chemis kung paanong ang kanyang kapatid na si Amaron ay naghintay hanggang sa huling araw upang gawin ang kanyang tala sa mga lamina.

Ngayon ako, si Chemis, ay isinusulat ang kaunting bagay na aking maisusulat, sa yaon ding aklat na kasama ng aking kapatid; sapagkat masdan, nakita ko ang huli niyang isinulat, na isinulat niya ito sa pamamagitan ng sarili niyang kamay; at isinulat niya ito sa araw na ibinigay niya ang mga ito sa akin. At sa ganitong pamamaraan namin iningatan ang mga talaan, sapagkat alinsunod ito sa mga kautusan ng aming mga ama. At ako ay nagtatapos.

Omni 10–11

Si Abinadom, ang anak ni Chemis, ay naging bagong tagapangalaga ng talaan, ay nagulat ng higit pang mga digmaan sa mga Lamanita, at isinulat na ang mga Nephita ay hindi na nakatatanggap pa ng mga paghahayag.

Masdan, ako, si Abinadom, ay anak na lalaki ni Chemis. Masdan, ito ay nangyari na, na nakakita ako ng maraming digmaan at kaguluhan sa pagitan ng aking mga tao, ang mga Nephita, at ang mga Lamanita; at ako, sa pamamagitan ng aking sariling espada, ay kinitil ang buhay ng marami sa mga Lamanita sa pagtatanggol sa aking mga kapatid. At masdan, ang talaan ng mga taong ito ay nauukit sa mga laminang nasa pag-iingat ng mga hari, alinsunod sa mga salinlahi; at walang paghahayag akong nalalaman maliban sa mga yaong nasusulat, ni propesiya; anupa’t sapat na ang yaong nasusulat. At ako ay nagtatapos.

Omni 12–13

Ang Nephitang nagngangalang Mosias ay inutusang lisanin ang lupain ng Nephi; tinipon niya ang lahat ng mga naniniwala sa kanya, at sila ay lumikas patungo sa ilang; si Abinadom ay isa sa mga yaong sumunod.

Masdan, ako si Amaleki, ang anak na lalaki ni Abinadom. Masdan, ako ay mangungusap sa inyo kahit paano hinggil kay Mosias, na siyang ginawang hari sa lupain ng Zarahemla; sapagkat masdan, siya na binigyang-babala ng Panginoon na dapat siyang tumakas palabas ng lupain ng Nephi, at kasindami ng makikinig sa tinig ng Panginoon ay nararapat ding lisanin ang lupain na kasama niya, patungo sa ilang—

At ito ay nangyari na, na ginawa niya ang naaayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon. At nilisan nila ang lupain patungo sa ilang, kasindami ng nakinig sa tinig ng Panginoon; at pinatnubayan sila sa pamamagitan ng maraming pangangaral at pagpopropesiya. At patuloy silang pinaaalalahanan sa pamamagitan ng salita ng Diyos; at inakay sila sa pamamagitan ng lakas ng kanyang bisig, mula sa ilang hanggang sa makarating sila sa lupaing tinatawag na lupain ng Zarahemla.

Mosiah 9:4–5

Walang naitalang ulat hinggil sa kung ano ang nangyari sa mga Nephitang nanatili sa lupain ng Nephi. Mga taon ay lumipas, nang si Zeniff ay dumating upang hanapin ang mga yaong naiwan, natuklasan niya na ang lupain ay tinitirhan ng mga Lamanita, na ipinalalagay na sumakop at lumipol sa mga Nephita.

Gayon pa man, matapos ang maraming araw na paglalakbay sa ilang, itinayo namin [Si Zenif at ang kanyang pangkat] ang aming mga tolda ... na malapit sa lupain ng aming mga ama. At ito ay nangyari na, na ako ay nagtungong muli kasama ang apat sa aking mga tauhan sa lunsod [Lupain ng Nephi], patungo sa hari [ng mga Lamanita], upang malaman ko ang kalooban ng hari, at upang malaman ko kung maaari akong pumasok kasama ang aking mga tao at angkinin ang lupain nang mapayapa.