1 Nephi 15:12–20

Masdan, sinasabi ko sa inyo, na ang sambahayan ni Israel ay inihahalintulad sa isang punong olibo, ng Espiritu ng Panginoon na nasa ating ama; at masdan, hindi ba’t tayo ay binali mula sa sambahayan ni Israel, at hindi ba’t tayo ay isang sanga ng sambahayan ni Israel? At ngayon, ang ibig sabihin ng ating ama hinggil sa paghuhugpong ng mga likas na sanga sa pamamagitan ng kaganapan ng mga Gentil, ay, na sa mga huling araw, kapag ang ating mga binhi ay nanghina sa kawalang-paniniwala, oo, sa loob ng maraming taon, at maraming salinlahi matapos magpakita ang Mesiyas sa katawang-tao sa mga anak ng tao, pagkatapos ang kabuuan ng ebanghelyo ng Mesiyas ay darating sa mga Gentil, at mula sa mga Gentil patungo sa mga labi ng ating mga binhi—

At sa araw na yaon ay malalaman ng labi ng ating mga binhi na sila ay kabilang sa sambahayan ni Israel, at na sila ang mga pinagtipanang tao ng Panginoon; at pagkatapos makikilala nila at makararating sila sa kaalaman ng kanilang mga ninuno, at gayon din sa kaalaman ng ebanghelyo ng kanilang Manunubos, na kanyang ipinangaral sa kanilang mga ama; anupa’t makararating sila sa kaalaman ng kanilang Manunubos at sa bawat bahagi ng kanyang doktrina, nang malaman nila kung paano lalapit sa kanya at maligtas. At pagkatapos sa araw na yaon hindi ba’t sila ay magagalak at magbibigay-papuri sa kanilang Diyos na walang hanggan, ang kanilang bato at kanilang kaligtasan? Oo, sa araw na yaon, hindi ba’t matatanggap nila ang lakas at pagkain mula sa tunay na baging? Oo, hindi ba’t sila ay magtutungo sa tunay na kawan ng Diyos?

Masdan, sinasabi ko sa inyo, Oo; muli silang maaalaala sa sambahayan ni Israel; ihuhugpong sila, bilang likas na sanga ng punong olibo, sa tunay na punong olibo. At ito ang ibig sabihin ng ating ama; at ipinapakahulugan niya na hindi ito mangyayari hangga’t hindi sila naikakalat ng mga Gentil; at ipinapakahulugan niyang magmumula ito sa pamamagitan ng mga Gentil, upang maipakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan sa mga Gentil, dahil na rin sa natatanging kadahilanan na itatakwil siya ng mga Judio, o ng sambahayan ni Israel. Anupa’t ang ating ama ay hindi lamang tumutukoy sa ating mga binhi, kundi gayon din sa buong sambahayan ni Israel, tumutukoy sa mga tipang matutupad sa mga huling araw; kung aling tipan ay ginawa ng Panginoon sa ating amang si Abraham, sinasabing: Sa iyong mga binhi pagpapalain ang lahat ng lahi sa mundo.

At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay nangusap nang marami sa kanila hinggil sa mga bagay na ito; oo, nangusap ako sa kanila hinggil sa pagpapanumbalik ng mga Judio sa mga huling araw. At inulit ko sa kanila ang mga salita ni Isaias, na nangusap hinggil sa pagpapanumbalik ng mga Judio, o ng sambahayan ni Israel; at matapos silang mapanumbalik sila ay hindi na malilito pa, ni makakalat na muli.

From section: Ang Tugon at Pag-unawa ni Nephi

From page: Mga Lehites sa Jerusalem at Arabia

Commentary