At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay pinakasalan ang isa sa mga anak na babae ni Ismael upang maging asawa; at gayon din, pinakasalan ng aking mga kapatid ang mga anak na babae ni Ismael upang maging mga asawa; at gayon din, pinakasalan ni Zoram ang pinakamatandang anak na babae ni Ismael upang maging asawa. At sa gayon natupad ng aking ama ang lahat ng kautusan ng Panginoon na ibinigay sa kanya. At gayon din, ako, si Nephi, ay labis na pinagpala ng Panginoon.
At ito ay nangyari na, na ang tinig ng Panginoon ay nangusap sa aking ama sa gabi, at inutusan siya na sa kinabukasan siya ay nararapat maglakbay sa ilang.
At ito ay nangyari na, nang ang aking ama ay bumangon sa umaga, at nagtungo sa pinto ng tolda, sa kanyang malaking pagkamangha, namasdan niya sa lupa ang isang bilog na bola na kahanga-hanga ang pagkakagawa; at iyon ay yari sa purong tanso. At sa loob ng bola ay may dalawang ikiran; at ang isa ay itinuturo ang daan kung saan kami nararapat magtungo sa ilang.
...sa bagay na tinatawag ng ating mga ama na isang bola, o tagagabay—o kung tawagin ito ng ating mga ama ay Liahona, na sa pagkakasalin, ay isang aguhon; at inihanda ito ng Panginoon. At masdan, walang sino mang tao ang maaaring makagawa alinsunod sa kahanga-hangang pagkakagawa nito. At masdan, ito ay inihanda upang ipakita sa ating mga ama ang daan kung saan sila nararapat maglakbay sa ilang.
...sa bola o aguhon, na pumatnubay sa ating mga ama sa ilang, na inihanda ng kamay ng Panginoon nang sa gayon sila ay mapatnubayan, bawat isa alinsunod sa pakikinig at pagsusumigasig na kanilang ibinibigay sa kanya. Anupa’t dahil sa hindi sila naging matapat, hindi sila umunlad ni sumulong sa kanilang paglalakbay, kundi itinaboy pabalik, at sumapit ang galit ng Diyos sa kanila; at kaya nga, binagabag sila sa pamamagitan ng taggutom at masidhing paghihirap, upang pukawin sila sa pag-alaala ng kanilang tungkulin.
At ito ay nangyari na, na tinipon naming sama-sama ang lahat ng uri ng binhi, bawat uri ng butil, at gayon din ang mga binhi ng lahat ng uri ng bungang-kahoy.
At ito ay nangyari na, na tinipon naming sama-sama ang anumang bagay na nararapat naming dalhin sa pagtungo sa ilang, at ang lahat ng nalabi sa aming mga panustos na ibinigay sa amin ng Panginoon; at dinala namin ang lahat ng uri ng binhi na maaari naming madala sa ilang. At ito ay nangyari na, na dinala namin ang aming mga tolda at lumisan patungo sa ilang, sa kabilang pampang ng ilog Laman.