Mga Lehites sa Jerusalem at Arabia

Ang Patagong Operasyon ni Nephi

1 Nephi 4:19

Sinimulan ni Nephi na isuot ang mga damit ni Laban, at magpanggap bilang siya.

At matapos kong tagpasin ang kanyang ulo ng sarili niyang espada, kinuha ko ang mga kasuotan ni Laban at isinuot ko sa aking katawan; oo, maging ang pinakamumunting bagay; at ibinigkis ko ang kanyang baluti sa aking balakang.

1 Nephi 4:20,35

Si Nephi, na nagpapanggap bilang Laban, ay sinalubong ang taga-ingat yaman ni Laban, si Zoram, at humiling na papasukin siya sa tresorerya.

At matapos kong magawa ito, ako ay nagtungo sa kabang-yaman ni Laban. At nang ako ay patungo sa kabang-yaman ni Laban, masdan, nakita ko ang tagapagsilbi ni Laban na siyang nag-iingat ng mga susi ng kabang-yaman. At inutusan ko siya sa tinig ni Laban, na dapat siyang sumama sa akin sa kabang-yaman.


...Ngayon, ang pangalan ng tagapagsilbi ay Zoram;...

1 Nephi 4:21–23

Si Zoram ay hindi naghinala sa anuman.

At inakala niyang ako ang panginoon niyang si Laban, sapagkat namasdan niya ang mga kasuotan at gayon din ang espada na nakabigkis sa aking balakang. At siya ay nangusap sa akin hinggil sa mga elder ng mga Judio, sapagkat nalalaman niya na ang kanyang panginoon, si Laban, ay lumabas nang gabing yaon na kasama nila. At nakipag-usap ako sa kanya na para bang si Laban.

1 Nephi 4:24–27

Si Nephi ay pumasok sa ingat-yaman, kinuha ang mga laminang tanso, at nagsabi kay Zoram na sumunod sa kanya palabas. Pumunta sila patungo sa naghihintay na mga kapatid na lalaki ni Nephi.

At sinabi ko rin sa kanya na dapat kong dalhin ang mga inukit na nasa mga laminang tanso, sa aking mga nakatatandang kapatid na nasa labas ng mga pader.

At sinabihan ko rin siya na dapat siyang sumunod sa akin. At siya, sa pag-aakalang ang mga kapatid sa simbahan ang tinutukoy ko, at ako ay tunay na si Laban na aking pinatay, dahil dito, siya ay sumunod sa akin. At nangusap siya sa akin nang maraming ulit hinggil sa mga elder ng mga Judio, habang ako ay patungo sa aking mga kapatid, na nasa labas ng mga pader.

1 Nephi 4:28–29

Ang mga kapatid na lalaki ni Nephi, nakikitang si Nephi ay nakabihis ng damit ni Laban, ay natakot at nagsimulang magsitakbo, subalit si Nephi ay tumawag sa kanila.

At ito ay nangyari na, nang makita ako ni Laman siya ay lubhang natakot, at gayon din sina Lemuel at Sam. At sila ay tumakbong papalayo sa akin; sapagkat inakala nilang ako si Laban, at na ako ay kanyang napatay at naghahangad na kitlin din ang kanilang mga buhay. At ito ay nangyari na, na tinawag ko sila, at narinig nila ako; anupa’t huminto sila sa pagtakbong palayo sa akin.

1 Nephi 4:30

Si Zoram ngayon ay nagsimulang manghinala na si Nephi ay hindi si Laban; Siya, ng maglaon, ay natakot.

At ito ay nangyari na, nang mamasdan ng tagapagsilbi ni Laban ang aking mga kapatid ay nagsimula siyang manginig, at tatalilis na sana palayo sa akin at babalik sa lunsod ng Jerusalem.

1 Nephi 4:31–34

Sinunggaban ni Nephi si Zoram, sinasabi kung ano ang mga nangyayari, sinasabi sa kanyang wag umalis, at nangako sa kanya ng lugar sa pamilya ni Lehi.

At ngayon, ako, si Nephi, na isang lalaking may malaking bulas, at nakatanggap din ng pambihirang lakas mula sa Panginoon, samakatwid sinunggaban ko ang tagapagsilbi ni Laban, at pinigilan siya, upang huwag siyang makatakas.

At ito ay nangyari na, na ako ay nangusap sa kanya, na kung pakikinggan niya ang aking mga salita, yamang ang Panginoon ay buhay, at habang ako ay nabubuhay, at kung makikinig siya sa aming mga salita, hahayaan namin siyang mabuhay. At ako ay nangusap sa kanya, maging nang may panunumpa, na hindi siya dapat matakot; na siya ay magiging isang malayang tao na katulad namin kung siya ay bababa sa amin sa ilang. At nangusap din ako sa kanya, sinasabing:

Tunay na ang Panginoon ang nag-utos sa aming gawin ang bagay na ito; at dapat ba kaming hindi maging masikap sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon? Kung gayon, kung bababa ka sa ilang sa aking ama, ikaw ay magkakaroon ng lugar sa amin.

1 Nephi 4:35–37

Nagtiwala si Zoram kay Nephi, at nangako na mamamalagi kasama nila.

At ito ay nangyari na, na si Zoram ay nagkalakas ng loob sa mga salitang aking sinabi. Ngayon, ang pangalan ng tagapagsilbi ay Zoram; at nangako siyang bababa patungo sa ilang sa aming ama. Oo, at nanumpa rin siya sa amin na siya ay mamamalagi sa amin mula sa panahong yaon. Ngayon ninais namin na siya ay mamalagi sa amin sa ganitong dahilan, upang huwag malaman ng mga Judio ang hinggil sa aming pagtakas patungo sa ilang, na baka kami ay kanilang tugisin at patayin kami. At ito ay nangyari na, nang manumpa si Zoram sa amin, nawala ang aming takot hinggil sa kanya.

1 Nephi 4:38

Nilisan nilang lahat ang Jerusalem at humayong pabalik sa kanilang ama sa lambak ng lemuel.

At ito ay nangyari na, na aming kinuha ang mga laminang tanso at isinama ang tagapagsilbi ni Laban, at lumisan patungo sa ilang, at naglakbay patungo sa tolda ng aming ama.