Ang Pangitain ni Nephi

Ang Pagbisita ni Hesus sa Lupang Pangako

1 Nephi 12:1

Nakita ni Nephi ang kanyang mga inapo sa lupang pangako.

At ito ay nangyari na, na sinabi sa akin ng anghel:

Tingnan, at masdan ang iyong mga binhi, at gayon din ang mga binhi ng iyong mga kapatid.

At tumingin ako at namasdan ang lupang pangako; at nakamalas ako ng maraming tao, oo, maging ito ay kasindami ng buhangin sa dagat.

1 Nephi 12:2–3

Nakakita si Nephi ng maraming digmaan sa paglipas ng maraming taon.

At ito ay nangyari na, na namasdan kong sama-samang nagtipon ang maraming tao upang makidigma, ang isa laban sa isa; at nakamalas ako ng mga digmaan, at alingawngaw ng mga digmaan, at malawakang pagkakatay sa pamamagitan ng espada sa aking mga tao. At ito ay nangyari na, na namasdan kong lumipas ang maraming salinlahi, ayon sa mga digmaan at alitan sa lupain; at namasdan ko ang maraming lunsod, oo, maging hindi ko na mabilang ang mga yaon.

1 Nephi 12:4–5

Nakita ni Nephi ang mga nakakikilabot na mga natural na sakuna at mga pagkawasak sa lupang pangako na kaugnay ng kamatayan ni Cristo; maraming namatay, ang ilan ay nakaligtas.

At ito ay nangyari na, na nakakita ako ng abu-abo ng kadiliman sa ibabaw ng lupang pangako; at nakakita ako ng mga pagkidlat, at nakarinig ako ng mga pagkulog, at paglindol, at lahat ng uri ng malalakas na ingay; at nakita ko ang lupa at ang mga naglalakihang bato, na nabiyak ang mga yaon; at nakita ko ang mga bundok na nangaguho at nagkapira-piraso; at nakita ko ang mga kapatagan ng lupa, na nagbitakan ang mga yaon, at nakita ko ang maraming lunsod na nagsilubog ang mga yaon; at nakita ko ang marami na ang mga yaon ay nangasunog ng apoy; at marami akong nakitang nangagbuwalan sa lupa, dahil sa mga pagyanig nito. At ito ay nangyari na, na matapos kong makita ang mga bagay na ito, nakita ko ang ulap ng kadiliman, na ito ay nawala sa balat ng lupa; at masdan, nakita ko ang maraming tao na hindi nalipol dahil sa dakila at kakila-kilabot na paghuhukom ng Panginoon.

1 Nephi 12:6

Nakita ni Nephi si Jesus na nagpakita sa mga nakaligtas.

At nakita kong bumukas ang kalangitan, at ang Kordero ng Diyos na bumababa mula sa langit; at bumaba siya at ipinakita ang kanyang sarili sa kanila.

1 Nephi 12:7–10

Nakita ni Nephi na labing-dalawang disipulo ang tinawag.

At nakita ko rin at pinatototohanan na ang Espiritu Santo ay napasalabindalawang iba pa; at sila ay inordenan ng Diyos, at pinili. At nangusap ang anghel sa akin, sinasabing:

Masdan ang labindalawang disipulo ng Kordero,
yaong mga piniling maglingkod sa iyong mga binhi.

At sinabi niya sa akin:

Naaalaala mo pa ba ang labindalawang apostol ng Kordero? Masdan, sila ang mga yaong hahatol sa labindalawang lipi ng Israel; anupa’t ang labindalawang tagapaglingkod sa iyong mga binhi ay hahatulan nila; sapagkat kayo ay kabilang sa sambahayan ni Israel. At ang labindalawang tagapaglingkod na iyong namamasdan ang siyang hahatol sa iyong mga binhi. At, masdan, sila ay mabubuti magpakailanman; sapagkat dahil sa kanilang pananampalataya sa Kordero ng Diyos ang kanilang mga kasuotan ay ginawang puti ng kanyang dugo.

1 Nephi 12:11–12

Nakita ni Nephi ang mabuting epekto ng pagbisita ni Jesus sa kanyang kabihasnan.

At sinabi sa akin ng anghel:

Tingnan!

At ako ay tumingin, at namasdan na tatlong salinlahi ang pumanaw sa kabutihan; at ang kanilang mga kasuotan ay puti maging tulad ng sa Kordero ng Diyos. At sinabi sa akin ng anghel:

Ang mga ito ay ginawang puti sa pamamagitan ng dugo ng Kordero,
dahil sa kanilang pananampalataya sa kanya.

At ako, si Nephi, ay nakita rin na marami sa ikaapat na salinlahi ang pumanaw sa kabutihan.