At ito ay nangyari na, na nangusap sa akin ang anghel, sinasabing:
Tingnan!
At tumingin ako at namasdan ang isang lalaki at nakadamit siya ng isang puting bata. At sinabi ng anghel sa akin:
Masdan ang isa sa labindalawang apostol ng Kordero. Masdan, makikita niya at isusulat ang mga nalalabi sa mga bagay na ito; oo, at gayon din ang marami pang bagay na nangyari na. At isusulat din niya ang hinggil sa katapusan ng daigdig. Samakatwid, ang mga bagay na kanyang isusulat ay makatarungan at totoo; at masdan, nasusulat ang mga ito sa aklat na iyong namasdan na nagmula sa bibig ng Judio; at sa panahong lalabas ang mga ito sa bibig ng Judio, o, sa panahong ang aklat ay lalabas mula sa bibig ng Judio, ang mga bagay na nasusulat ay malinaw at dalisay, at pinakamahalaga at madaling maunawaan ng lahat ng tao.
At masdan, ang mga bagay na isusulat ng apostol na ito ng Kordero ay maraming bagay na iyo nang nakita; at masdan, ang nalalabi ay makikita mo. Subalit ang mga bagay na iyong makikita pagkaraan nito ay hindi mo isusulat; sapagkat inordenan ng Panginoong Diyos ang apostol ng Kordero ng Diyos na siya ang magsusulat ng mga yaon.
At gayon din sa ibang nabuhay na noon, sa kanila ay ipinakita niya ang lahat ng bagay, at isinulat nila ang mga yaon; at mahigpit na isinara ang mga yaon upang lumabas sa kanilang kadalisayan, alinsunod sa katotohanan na nasa Kordero, sa sariling itinakdang panahon ng Panginoon, sa sambahayan ni Israel. At ako, si Nephi, ay narinig at nagpapatotoo, na ang pangalan ng apostol ng Kordero ay Juan, ayon sa salita ng anghel.
At masdan, ako, si Nephi, ay pinagbawalang aking isulat ang nalalabi sa mga bagay na aking nakita at narinig; anupa’t ang mga bagay na naisulat ko ay sapat na sa akin; at aking isinulat ang maliit na bahagi lamang ng mga bagay na aking nakita. At pinatototohanan kong aking nakita ang mga bagay na nakita ng aking ama, at ipinaalam sa akin ang mga yaon ng anghel ng Panginoon.
At ngayon tatapusin ko na ang aking mga pananalita hinggil sa mga bagay na aking nakita habang ako ay natangay sa espiritu; at kung hindi man nasusulat ang lahat ng bagay na aking nakita, ang mga bagay na aking naisulat ay totoo. At gayon nga ito. Amen.