At ito ay nangyari na, na nakita ko ang maraming tao ng mundo na sama-samang nagtipon. At sinabi ng anghel sa akin:
Masdan ang iyong mga binhi, at gayon din
ang mga binhi ng iyong mga kapatid.
At ito ay nangyari na, na ako ay tumingin at namasdan ang mga tao ng aking mga binhi na sama-samang nagtipon sa maraming pangkat laban sa mga binhi ng aking mga kapatid; at sila ay sama-samang nagtipon upang makidigma.
At nangusap ang anghel sa akin, sinasabing:
Masdan ang bukal ng maruming tubig na nakita ng iyong ama; oo, maging ang ilog na kanyang sinabi; at ang kailaliman nito ay kailaliman ng impiyerno. At ang abu-abo ng kadiliman ay mga tukso ng diyablo, na bumubulag sa mga mata, at nagpapatigas sa mga puso ng mga anak ng tao, na umaakay sa kanila palayo patungo sa maluluwang na lansangan, kaya sila nasasawi at naliligaw.
At ang malaki at maluwang na gusali, na nakita ng iyong ama, ay mga walang kabuluhang guni-guni at ang kapalaluan ng mga anak ng tao. At isang malalim at kakila-kilabot na look ang naghihiwalay sa kanila; oo, maging ang salita ng katarungan ng Diyos na Walang Hanggan, at ang Mesiyas na Kordero ng Diyos, na pinatototohanan ng Espiritu Santo, mula pa sa simula ng daigdig hanggang sa panahong ito, at mula sa panahong ito at magpakailanman.
At habang sinasabi ng anghel ang mga salitang ito, namasdan ko at nakita na ang mga binhi ng aking mga kapatid ay nakipaglaban sa aking mga binhi, alinsunod sa salita ng anghel; at dahil sa kapalaluan ng aking mga binhi, at sa mga tukso ng diyablo, namasdan kong nadaig ng mga binhi ng aking mga kapatid ang mga tao ng aking mga binhi.
At ito ay nangyari na, na namasdan ko, at nakita na ang mga tao ng mga binhi ng aking mga kapatid ay nadaig ang aking mga binhi; at maramihan silang kumalat sa ibabaw ng lupain. At nakita ko silang sama-samang nagtipon sa maraming tao; at nakita ko ang mga digmaan at alingawngaw ng mga digmaan sa kanila; at sa mga digmaan at alingawngaw ng mga digmaan ay nakita ko ang paglipas ng maraming salinlahi.
At sinabi sa akin ng anghel:
Masdan, sila ay manghihina sa kawalang-paniniwala. At ito ay nangyari na, na aking namasdan, na matapos silang manghina sa kawalang-paniniwala sila ay naging maiitim, at karima-rimarim, at maruruming tao, puno ng katamaran at lahat ng uri ng karumal-dumal na gawain.