Ang Pangitain ni Nephi

Ang Impluwensiya ng Bibliya sa mga Hentil

1 Nephi 13:20–22

Nakita ni Nephi ang isang hindi pa tukoy na aklat sa mga Hentil.

At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay namasdan na sila ay umunlad sa lupain; at namasdan ko ang isang aklat, at ito ay dala-dala nila. At sinabi sa akin ng anghel:

Nalalaman mo ba ang kahulugan ng aklat?

At sinabi ko sa kanya:

Hindi ko alam.

1 Nephi 13:23

Ipinaliwanag ng anghel na ang aklat na kanyang nakita ay ang talaan ng mga Hudyo.

At sinabi niya:

Masdan, nagmula ito sa bibig ng isang Judio.

At ako, si Nephi, ay namasdan ito; at sinabi niya sa akin:

Ang aklat na iyong namamasdan ay isang talaan ng mga Judio, na naglalaman ng mga tipan ng Panginoon, na kanyang ginawa sa sambahayan ni Israel; at naglalaman din ito ng marami sa mga propesiya ng mga banal na propeta; at nahahalintulad ang mga ito sa mga nakaukit sa mga laminang tanso, yaon nga lamang ay hindi gaanong marami; gayon pa man, naglalaman ang mga yaon ng mga tipan ng Panginoon, na kanyang ginawa sa sambahayan ni Israel; anupa’t, labis na mahalaga ang mga ito sa mga Gentil.

1 Nephi 13:24–27

Sinabi ng anghel na ang aklat ay naglalaman ng salita ng Diyos, na nasira at binago ng mga masasamang tao.

At sinabi ng anghel ng Panginoon sa akin:

Namasdan mong nagmula ang aklat sa bibig ng isang Judio; at nang ito ay nagmula sa bibig ng isang Judio ito ay naglalaman ng kabuuan ng ebanghelyo ng Panginoon, na pinatototohanan ng labindalawang apostol; at nagpapatotoo sila alinsunod sa katotohanan na nasa Kordero ng Diyos. Dahil dito, lumabas ang mga ito mula sa mga Judio sa kadalisayan patungo sa mga Gentil, alinsunod sa katotohanan na nasa Diyos.

At matapos lumabas ang mga ito sa pamamagitan ng mga kamay ng labindalawang apostol ng Kordero, mula sa mga Judio patungo sa mga Gentil, nakita mo ang pagbubuo ng yaong makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan, na pinakakarumal-dumal sa lahat ng iba pang simbahan, sapagkat masdan, inalis nila mula sa ebanghelyo ng Kordero ang maraming bahagi na malinaw at pinakamahalaga; at inalis din nila ang marami sa mga tipan ng Panginoon. At ang lahat ng ito ay ginawa nila upang mailigaw nila ang mga tamang landas ng Panginoon, upang mabulag nila ang mga mata at mapatigas ang mga puso ng mga anak ng tao.

1 Nephi 13:28–29

Ang anghel ay nagpatuloy sa pagsasalaysay kay Nephi tungkol sa mga kasiraan sa aklat at kung paano ito naging sanhi ng pagkaligalig sa maraming tao.

Samakatwid, nakita mong matapos lumabas ang aklat mula sa kamay ng makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan, na maraming malinaw at mahahalagang bagay ang nawala sa aklat, na aklat ng Kordero ng Diyos.

At matapos mawala ang malilinaw at mahahalagang bagay na ito ay kumalat ito sa lahat ng bansa ng mga Gentil; at matapos itong kumalat sa lahat ng bansa ng mga Gentil, oo, maging sa kabila ng maraming tubig na nakita mo sa mga Gentil na nagsitakas sa pagkabihag, nakita mo—dahil sa dami ng malilinaw at mahahalagang bagay na nawala mula sa aklat, na malinaw sa pang-unawa ng mga anak ng tao, alinsunod sa kalinawan na nasa Kordero ng Diyos—dahil sa mga bagay na ito na inalis mula sa ebanghelyo ng Kordero, lubhang marami ang nangagkatisod, oo, kung kaya nga’t nagkaroon ng malaking kapangyarihan si Satanas sa kanila.