At sinabi ng anghel ng Panginoon sa akin:
Namasdan mong nagmula ang aklat sa bibig ng isang Judio; at nang ito ay nagmula sa bibig ng isang Judio ito ay naglalaman ng kabuuan ng ebanghelyo ng Panginoon, na pinatototohanan ng labindalawang apostol; at nagpapatotoo sila alinsunod sa katotohanan na nasa Kordero ng Diyos. Dahil dito, lumabas ang mga ito mula sa mga Judio sa kadalisayan patungo sa mga Gentil, alinsunod sa katotohanan na nasa Diyos.
At matapos lumabas ang mga ito sa pamamagitan ng mga kamay ng labindalawang apostol ng Kordero, mula sa mga Judio patungo sa mga Gentil, nakita mo ang pagbubuo ng yaong makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan, na pinakakarumal-dumal sa lahat ng iba pang simbahan, sapagkat masdan, inalis nila mula sa ebanghelyo ng Kordero ang maraming bahagi na malinaw at pinakamahalaga; at inalis din nila ang marami sa mga tipan ng Panginoon. At ang lahat ng ito ay ginawa nila upang mailigaw nila ang mga tamang landas ng Panginoon, upang mabulag nila ang mga mata at mapatigas ang mga puso ng mga anak ng tao.