At ito ay nangyari na, na kami ay naglakbay sa loob ng apat na araw, halos sa gawing timog-timog silangan, at muli naming itinayo ang aming mga tolda; at tinawag namin ang pook sa pangalang Saser.
At ito ay nangyari na, na dinala namin ang aming mga busog at aming mga palaso, at nagtungo sa ilang upang mangaso ng makakain para sa aming mga mag-anak; at matapos kaming makapangaso ng makakain para sa aming mga mag-anak ay muli kaming bumalik sa aming mga mag-anak sa ilang, sa pook ng Saser. At kami ay muling naglakbay sa ilang, sinusunod ang dating daan, nananatili sa mayamang bahagi ng ilang, na nasa mga hangganang malapit sa Dagat na Pula.
At ito ay nangyari na, na kami ay naglakbay sa loob ng maraming araw, nangangaso ng makakain sa dinaraanan, sa pamamagitan ng aming mga busog at aming mga palaso at aming mga bato at aming mga tirador. At sinunod namin ang mga panturo ng bola, na nag-akay sa amin sa higit na mayayamang bahagi ng ilang.
At matapos na kami ay makapaglakbay sa loob ng maraming araw, itinayo namin ang aming mga tolda sa loob ng ilang panahon, upang muling maipahinga ang aming sarili at maikuha ng makakain ang aming mga mag-anak.
At ito ay nangyari na, na habang ako, si Nephi, ay yumaon upang mangaso ng makakain, masdan, nabali ko ang aking busog na yari sa purong asero; at matapos na mabali ko ang aking busog, masdan, ang aking mga kapatid ay nagalit sa akin dahil sa pagkabali ng aking busog, sapagkat hindi kami nakakuha ng makakain. At ito ay nangyari na, na kami ay bumalik sa aming mga mag-anak nang walang dalang pagkain, at dahil sa labis na pagkapagod, dala ng kanilang paglalakbay, sila ay lubhang nahirapan dahil sa kawalan ng pagkain.
At ito ay nangyari na, na sina Laman at Lemuel at ang mga anak na lalaki ni Ismael ay nagsimulang bumulung-bulong nang labis, dahil sa kanilang mga pagdurusa at paghihirap sa ilang; at gayundin, ang aking ama ay nagsimulang bumulung-bulong laban sa Panginoon niyang Diyos; oo, at lahat sila ay labis na nalungkot, maging sa sila ay bumulung-bulong laban sa Panginoon.
Ngayon ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, na naghirap kasama ng aking mga kapatid dahil sa pagkabali ng aking busog, at ang kanilang mga busog ay nawalan ng kanilang mga igkas, iyon ay nagsimulang maging lubhang napakahirap, oo, kung kaya nga’t kami ay hindi na makakuha ng pagkain. At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay nangusap nang marami sa aking mga kapatid, sapagkat pinatigas nilang muli ang kanilang mga puso, maging hanggang sa pagdaing laban sa Panginoon nilang Diyos.
...sapagkat nangusap ako ng maraming bagay sa kanila sa kasiglahan ng aking kaluluwa.
At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay gumawa mula sa kahoy ng isang busog, at mula sa isang tuwid na patpat, ng isang palaso; kaya nga, nasandatahan ako ng busog at palaso, kasama ng tirador at mga bato. At sinabi ko sa aking ama:
Saan po ako patutungo upang makakuha ng pagkain?
At ito ay nangyari na, na nagtanong siya sa Panginoon, sapagkat nagpakumbaba sila ng kanilang sarili dahil sa aking mga salita; ...
At ito ay nangyari na, na ang tinig ng Panginoon ay nangusap sa aking ama; at tunay siyang nakastigo dahil sa kanyang pagbulung-bulong laban sa Panginoon, kung kaya nga’t siya ay nasadlak sa kailaliman ng kalungkutan. At ito ay nangyari na, na ang tinig ng Panginoon ay nagsabi sa kanya:
Tumingin ka sa bola,
at masdan ang mga bagay na nakasulat.
At ito ay nangyari na, nang mamasdan ng aking ama ang mga bagay na nakasulat sa bola, siya ay natakot at labis na nanginig, at gayon din ang aking mga kapatid at mga anak na lalaki ni Ismael at ang aming mga asawa.
At may nakasulat din doon sa mga iyon na isang bagong sulatin, na madaling mabasa, na nagbigay sa amin ng pang-unawa hinggil sa mga pamamaraan ng Panginoon; at iyon ay isinusulat at binabago sa pana-panahon, ...
At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay namasdan ang mga panuro na nasa bola, na ang mga iyon ay gumagalaw alinsunod sa pananampalataya at pagsisikap at pagsunod na ibinigay namin sa mga iyon.
...alinsunod sa pananampalataya at sigasig na ibinibigay namin doon. At sa gayon nakikita natin na sa pamamagitan ng maliliit na pamamaraan ay maisasagawa ng Panginoon ang mahahalagang bagay.
At kumilos ito para sa kanila alinsunod sa kanilang pananampalataya sa Diyos; kaya nga, kung sila ay may pananampalatayang maniwala na magagawa ng Diyos na ipaturo sa yaong mga ikiran ang daan na kanilang nararapat patunguhan, masdan, ito’y naganap; anupa’t taglay nila ang himalang ito, at marami pa ring himala ang naisagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, sa araw-araw. Gayon pa man, dahil sa mga yaong himalang nagawa sa maliit na pamamaraan na nagpakita ito sa kanila ng mga nakapanggigilalas na gawain. Sila ay naging mga tamad, at nakalimot na pairalin ang kanilang pananampalataya at pagiging masigasig at sa gayon tumigil yaong nakapanggigilalas na gawain, at hindi sila sumulong sa kanilang paglalakbay;
At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay umakyat sa tuktok ng bundok, alinsunod sa mga tagubiling ibinigay mula sa bola. At ito ay nangyari na, na nakapatay ako ng mababangis na hayop, kung kaya nga’t nakakuha ako ng makakain para sa aming mga mag-anak.
At ito ay nangyari na, na ako ay bumalik sa aming mga tolda, dala ang mga hayop na aking napatay; at ngayon, nang namasdan nilang nakakuha ako ng makakain, gayon na lamang ang kanilang kagalakan! At ito ay nangyari na, na nagpakumbaba sila ng kanilang sarili sa harapan ng Panginoon, at nagbigay-pasasalamat sa kanya.