Mga Lehites sa Jerusalem at Arabia

Ang Pagbabalik sa Jerusalem upang Kunin ang Mga Laminang Tanso

1 Nephi 3:9

Si Nephi at ang kanyang mga kapatid na lalaki ay umalis sa lambak ng Lemuel, at bumalik sa Herusalem, kung saan ang bahay ni Laban ay matatagpuan.

At ako, si Nephi, at ang aking mga kapatid ay naglakbay sa ilang, dala ang aming mga tolda, upang umahon sa lupain ng Jerusalem.

1 Nephi 3:10

Ang mga magkakapatid na lalaki ay nagsanggunian bago pumasok.

At ito ay nangyari na, nang kami ay makarating sa lupain ng Jerusalem, ako at ang aking mga kapatid ay nagsanggunian sa isa’t isa.

1 Nephi 3:11

Sapalaran nilang pinili si Laman na pumunta sa bahay ni Laban.

At kami ay nagpalabunutan—kung sino sa amin ang nararapat pumasok sa tahanan ni Laban. At ito ay nangyari na, na ang kapalaran ay tumama kay Laman; at si Laman ay pumasok sa tahanan ni Laban, ...

1 Nephi 3:11–12

Pumasok si Laman, at hiningi kay Laban ang mga talaan.

...at siya ay nakipag-usap sa kanya habang siya ay nakaupo sa loob ng kanyang tahanan. At hiningi niya kay Laban ang mga talaang nakaukit sa mga laminang tanso, na naglalaman ng talaangkanan ng aking ama.

1 Nephi 3:13

Nagalit si Laban, inakusahan si Laman ng pagiging isang magnanakaw, at nagbanta na patayin siya.

At masdan, ito ay nangyari na, na si Laban ay nagalit, at ipinagtulakan siyang palabas mula sa kanyang harapan; at ayaw niyang mapasakanya ang mga talaan. Anupa’t sinabi niya sa kanya:

Masdan, ikaw ay isang tulisan, at papatayin kita.

1 Nephi 3:14

Tumakbo palabas si Laman, sinalubong ang kanyang bigong mga kapatid na lalaki; naghahanda silang umalis sa Jerusalem.

Subalit si Laman ay nakatakas sa kanyang harapan, at sinabi ang mga bagay na ginawa ni Laban, sa amin. At kami ay nagsimulang maging lubhang malungkot, at ang aking mga kapatid ay handa nang magsibalik sa aking ama sa ilang.

1 Nephi 3:15–21

Hinikayat sila ni Nephi na huwag umalis, at nagmungkahi na pumunta sila sa kanilang lumang bahay sa Jerusalem, mangolekta ng lahat ng kanilang mga mahahalagang bagay, at ipakita ang mga ito kay Laban bilang kapalit sa mga laminang tanso.

Subalit masdan, sinabi ko sa kanila na:

Yamang ang Panginoon ay buhay, at habang tayo ay nabubuhay, hindi tayo bababa sa ating ama sa ilang hangga’t hindi natin naisasagawa ang bagay na ipinag-uutos ng Panginoon sa atin. Samakatwid, tayo ay magpakatapat sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon; kaya nga, tayo ay bumaba sa lupaing mana ng ating ama, sapagkat masdan kanyang iniwan ang ginto at pilak, at lahat ng uri ng kayamanan.

At ang lahat ng ito ay kanyang ginawa dahil sa mga kautusan ng Panginoon. Sapagkat nalalaman niya na ang Jerusalem ay tiyak na mawawasak, dahil sa kasamaan ng mga tao. Sapagkat masdan, kanilang tinanggihan ang mga salita ng mga propeta. Anupa’t kung ang aking ama ay maninirahan sa lupain matapos na siya ay utusang tumakas sa lupaing ito, masdan, siya ay masasawi rin.

Kaya nga, talagang kinakailangan na siya ay tumakas sa lupain. At masdan, iyon ay karunungan sa Diyos na nararapat nating makuha ang mga talaang ito, upang mapanatili natin para sa ating mga anak ang wika ng ating mga ama; At upang atin ding mapanatili sa kanila ang mga salitang ipinahayag ng bibig ng lahat ng banal na propeta, na ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu at kapangyarihan ng Diyos, magmula pa noong simula ng daigdig, maging hanggang dito sa kasalukuyang panahon.

At ito ay nangyari na, na alinsunod sa ganitong pamamaraan ng pananalita ay hinikayat ko ang aking mga kapatid, upang sila ay maging matapat sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos.

1 Nephi 5:6,1–3

Samantala, pabalik sa lambak ng Lemuel, ang asawa ni Lehi na si Sariah ay dumaing tungkol sa posibleng pagkamatay ng kanilang mga anak na lalaki at nakapanghihilakbot na sitwasyon sa disyerto.

...habang kami ay naglalakbay sa ilang patungo sa lupain ng Jerusalem, upang makuha ang talaan ng mga Judio. ...ang aking inang si Saria, ...tunay na siya ay nagdalamhati dahil sa amin. Sapagkat inakala niya na kami ay nangasawi sa ilang; at siya rin ay dumaing laban sa aking ama, sinasabi sa kanya na siya ay isang mapangitaing tao; sinasabing:

Masdan inilayo mo kami sa lupaing ating mana, at ang aking mga anak ay wala na, at tayo ay masasawi sa ilang.

At sa ganitong pamamaraan ng pananalita ang aking ina ay dumaing laban sa aking ama.

1 Nephi 5:4–6

Inaliw ni Lehi si Sariah, ipinatitiyak sa kanyang sinusunod nila ang tagubilin ng Panginoon.

At ito ay nangyari na, na ang aking ama ay nangusap sa kanya, sinasabing:

Alam ko na ako ay isang mapangitaing tao; sapagkat kung hindi ko nakita ang mga bagay ng Diyos sa isang pangitain, hindi ko sana naunawaan ang kabutihan ng Diyos, kundi namalagi na lamang sa Jerusalem, at nasawi kasama ang aking mga kapatid. Ngunit masdan, aking natamo ang isang lupang pangako, at sa bagay na ito ako ay nagagalak; oo, at alam kong ililigtas ng Panginoon ang aking mga anak mula sa mga kamay ni Laban, at ibabalik silang muli sa atin sa ilang.

At sa ganitong pamamaraan ng pananalita inaliw ng aking amang si Lehi ang aking inang si Saria, hinggil sa amin, ...