Masdan ako, si Moroni, ay tatapusin ang talaan ng aking ama, si Mormon. Masdan, mayroon akong ilang bagay na isusulat, mga bagay na iniutos sa akin ng aking ama.
At sinumang makatatanggap ng talaang ito at hindi ito hahatulan dahil sa mga kahinaang mayroon ito, siya ay makaaalam ng higit na mga dakilang bagay kaysa rito. Masdan, ako si Moroni; at kung maaari, ipaaalam ko ang lahat ng bagay sa inyo.
Masdan, ako ay nagtatapos sa aking pagsasalita hinggil sa mga taong ito. Ako ay anak ni Mormon, at ang aking ama ay inapo ni Nephi.
At ako rin ang siyang nagtago ng talaang ito ayon sa Panginoon; ang mga laminang yaon ay walang halaga, dahil sa kautusan ng Panginoon. Sapagkat tunay na kanyang sinabi na walang sinumang makakukuha nito upang makinabang; ngunit ang nakatala roon ay malaki ang kahalagahan; at sinuman ang magdadala nito sa liwanag, siya ay pagpapalain ng Panginoon. Sapagkat walang sinumang magkakaroon ng kapangyarihan na madala iyon sa liwanag maliban kung iyon ay ibinigay sa kanya ng Diyos; sapagkat niloloob ng Diyos na iyon ay mangyayari na ang mata ay nakatuon sa kanyang kaluwalhatian, o sa kapakanan ng mga sinauna at malaon nang naikalat na mga taong pinagtipanan ng Panginoon.
At pinagpala siya na magdadala ng bagay na ito sa liwanag, sapagkat ito ay mailalabas mula sa kadiliman tungo sa liwanag; alinsunod sa salita ng Diyos; oo, ito ay ilalabas mula sa lupa, at ito ay magniningning mula sa kadiliman, at darating sa kaalaman ng mga tao; at ito ay mangyayari sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.
At kung mayroon mang mga pagkakamali, yaon ay mga kamalian ng tao. Ngunit masdan, wala kaming alam na kamalian; gayunman, nalalaman ng Diyos ang lahat ng bagay; kaya nga, siya na hahatol, papag-ingatin siya at baka siya ay manganib sa apoy ng impiyerno. At siya na nagsasabi:
Ipakita mo sa akin, o ikaw ay masasaktan,
Papag-ingatin siya at baka ang kanyang ipinag-uutos ay ipinagbabawal ng Panginoon. Sapagkat masdan, siya na humahatol nang pabigla-bigla ay hahatulan din nang pabigla-bigla; sapagkat alinsunod sa kanyang mga gawa ang kanyang magiging kabayaran; anupa’t siya na nananakit ay sasaktan ding muli ng Panginoon. Masdan, kung ano ang sinasabi ng mga banal na kasulatan—ang tao ay hindi mananakit, ni siya ay hahatol; sapagkat sa akin ang paghatol, wika ng Panginoon, at akin din ang paghihiganti, at ako ang gaganti.
At siya na hihinga ng poot at mga sigalot laban sa gawa ng Panginoon, at laban sa mga taong pinagtipanan ng Panginoon na mula sa sambahayan ni Israel, at magsasabi:
Aming sisirain ang gawa ng Panginoon,
at hindi maaalaala ng Panginoon ang tipang
kanyang ginawa sa sambahayan ni Israel—
siya rin ay nanganganib na tagpasin at ihagis sa apoy;Sapagkat ang mga walang hanggang layunin ng Panginoon ay magpapatuloy,
hanggang sa ang lahat ng kanyang pangako ay matupad.