Saliksikin ninyo ang mga propesiya ni Isaias. Masdan, hindi ko maisusulat ang mga yaon. Oo, masdan, sinasabi ko sa inyo, na yaong mga banal na nangauna sa akin, na nag-angkin ng lupaing ito, ay magsusumamo, oo, maging mula sa alabok sila ay magsusumamo sa Panginoon; at yamang ang Panginoon ay buhay, aalalahanin niya ang tipang kanyang ginawa sa kanila.
At kanyang nalalaman ang kanilang mga panalangin, na ang mga iyon ay sa kapakanan ng kanilang mga kapatid. At alam niya ang kanilang pananampalataya, sapagkat sa kanyang pangalan ay natinag nila ang mga bundok, at sa kanyang pangalan ay napangyari nilang mayanig ang lupa; at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang salita ay napangyari nilang gumuho ang mga bilangguan sa lupa; oo, maging ang nagniningas na hurnuhan ay hindi sila nasaktan, maging ng mababangis na hayop o ng mga makamandag na ahas, dahil sa kapangyarihan ng kanyang salita. At masdan, ang kanilang mga panalangin ay sa kapakanan din niya na pahihintulutan ng Panginoon na magdadala pasulong ng mga bagay na ito;
At walang sino mang kinakailangang magsabi na hindi ito darating, sapagkat tunay na ang mga ito ay darating, sapagkat ang Panginoon ang nagsabi niyon; sapagkat mula sa lupa ang mga ito ay lalabas, sa pamamagitan ng kamay ng Panginoon, at walang makapipigil niyon; at ang mga ito ay darating sa araw na sasabihin na ang mga himala ay wala na; at ang mga ito ay darating maging tulad ng isang nagsasalita buhat sa mga patay.
At ito ay mangyayari sa araw na ang dugo ng mga banal ay magsusumamo sa Panginoon, dahil sa lihim na pagsasabwatan at mga gawain ng kadiliman.
Oo, ito ay mangyayari sa araw kung kailan ang kapangyarihan ng Diyos ay itatatwa, at ang mga simbahan ay magiging marumi at maaangat sa kapalaluan ng kanilang mga puso; oo, maging sa isang araw na ang mga namumuno sa mga simbahan at guro ay lalantad nang may pagpapalalo sa kanilang mga puso, maging sa pagkainggit sa kanila na kabilang sa kanilang mga simbahan.
Oo, ito ay mangyayari sa araw kung kailan ay makaririnig ng mga sunog, at unos, at ulap ng usok sa mga ibang lupain; At makaririnig din ng mga digmaan, at alingawngaw ng digmaan, at lindol sa iba’t ibang dako.
Oo, ito ay mangyayari sa araw na magkakaroon ng malaganap na karumihan sa balat ng lupa; magkakaroon ng mga pagpaslang, at panloloob, pagsisinungaling, at panlilinlang, at pagpapatutot, at lahat ng uri ng karumal-dumal na gawain; kung kailan marami ang magsasabi:
Gawin ninyo ito, o gawin ninyo iyon, at walang anuman iyon,
sapagkat sasang-ayunan ng Panginoon ang gayon sa huling araw.
Ngunit sa aba nila, sapagkat sila ay nasa kasukdulan ng kapaitan at nasa mga gapos ng kasamaan.
Oo, ito ay mangyayari sa araw na magkakaroon ng mga simbahang itatayo at magsasabi:
Magsilapit kayo sa akin, at dahil sa inyong salapi
ay patatawarin ang inyong mga kasalanan.
O, kayong masasama at balakyot at matitigas ang leeg na mga tao,
bakit kayo nagtayo ng mga simbahan para sa inyong sarili upang makinabang?
Bakit ninyo binago ang banal na salita ng Diyos,
upang magdala kayo ng kapahamakan sa inyong mga kaluluwa?
Masdan, magtiwala kayo sa mga paghahayag ng Diyos;
sapagkat masdan, ang panahon ay darating sa araw
na yaon kung kailan ang lahat ng bagay na ito ay kinakailangang matupad.
Masdan, ipinakita sa akin ng Panginoon ang mga dakila at kagila-gilalas na bagay hinggil sa yaong hindi maglalaon ay mangyayari, at sa araw na yaon kung kailan ang mga bagay na ito ay mangyayari sa inyo.
Masdan, ako ay nangungusap sa inyo na parang kayo ay naririto, gayon pa man kayo ay wala rito. Ngunit masdan, ipinakita kayo sa akin ni Jesucristo, at nalalaman ko ang inyong mga ginagawa.
At nalalaman ko na kayo ay lumalakad sa kapalaluan ng inyong mga puso; at wala maliban sa ilan lamang ang hindi iniaangat ang mga sarili sa kapalaluan ng kanilang mga puso, tungo sa pagsusuot ng napakaiinam na kasuotan, tungo sa mga pag-iinggitan, at sigalutan, at malisya, at pag-uusig, at lahat ng uri ng kasamaan; at ang inyong mga simbahan, oo, maging bawat isa, ay naging marurumi dahil sa kapalaluan ng inyong mga puso. Sapagkat masdan, iniibig ninyo ang salapi, at inyong kabuhayan, ang inyong maiinam na kasuotan, at ang pagpapalamuti sa inyong mga simbahan, nang higit sa inyong pagmamahal sa mga maralita at nangangailangan, sa maykaramdaman at sa naghihirap.
O, kayong marurumi, kayong mga mapagkunwari, kayong mga guro,
na ipinagbibili ang inyong sarili sa mga yaong mangangalawang,
bakit ninyo dinumihan ang banal na simbahan ng Diyos?
Bakit kayo nahihiyang taglayin sa inyong sarili ang pangalan ni Cristo?
Bakit hindi ninyo iniisip na higit na mahalaga ang walang hanggang kaligayahan kaysa roon sa kalungkutan na hindi kailanman magwawakas
dahil sa papuri ng sanlibutan?
Bakit ninyo pinalalamutian ang inyong sarili ng yaong walang buhay,
gayon man ay pinahihintulutan ang nagugutom at ang nangangailangan, at ang hubad,
at ang maykaramdaman at ang naghihirap na dumaraan sa harapan ninyo
nang hindi sila pinapansin?
Oo, bakit ninyo itinatag ang inyong mga lihim na karumal-dumal na gawain upang makinabang,
at pinapangyari na ang mga balo ay magdalamhati sa harapan ng Panginoon,
at gayon din ang mga ulila na magdalamhati sa harapan ng Panginoon,
at gayon din ang dugo ng kanilang mga ama at kanilang mga asawang lalaki
na magsumamo sa Panginoon mula sa lupa
ng paghihiganti sa inyong mga ulo?
Masdan, ang espada ng paghihiganti ay nakaumang sa ulunan ninyo; at hindi maglalaon ang panahon ay darating na kanyang ipaghihiganti ang dugo ng mga banal sa inyo, sapagkat hindi na niya ipagwawalang-bahala pa ang kanilang mga pagsusumamo.