At ngayon, magpopropesiya pa ako kahit paano hinggil sa mga Judio at sa mga Gentil. Sapagkat matapos lumabas ang aklat na aking sinabi, at maisulat sa mga Gentil, at muling mahigpit na isinara ayon sa Panginoon, marami ang maniniwala sa mga salitang nakasulat; at dadalhin nila ang mga yaon sa mga labi ng ating mga binhi. [i]2319[/i] At doon malalaman ng mga labi ng ating mga binhi ang hinggil sa atin, kung paanong lumisan tayo mula sa Jerusalem, at na sila ay mga inapo ng mga Judio.
At ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ihahayag sa kanila; dahil dito, maibabalik sila sa kaalaman ng kanilang mga ama, at sa kaalaman din tungkol kay Jesucristo, na taglay ng kanilang mga ama. At pagkatapos sila ay magagalak; sapagkat malalaman nila na pagpapala ito sa kanila mula sa kamay ng Diyos; at ang kaliskis ng kadiliman ay magsisimulang mapawi mula sa kanilang mga mata; at hindi lilipas ang maraming salinlahi sa kanila, maliban sa magiging dalisay sila at mga kaaya-ayang tao.