At muling iuunat ng Panginoon ang kanyang kamay sa ikalawang pagkakataon upang ibalik ang kanyang mga tao mula sa kanilang ligaw at nahulog na kalagayan. Dahil dito, magpapatuloy siyang gumawa ng isang kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain sa mga anak ng tao.
Dahil dito, isisiwalat niya ang kanyang mga salita sa kanila, mga salita na siyang hahatol sa kanila sa huling araw, sapagkat ibibigay ang mga yaon sa kanila sa layuning hikayatin sila sa tunay na Mesiyas, na itinakwil nila; at sa paghihikayat sa kanila na hindi na kinakailangang sila ay maghintay pa sa pagparito ng isang Mesiyas, sapagkat wala nang darating pa, maliban sa isang huwad na Mesiyas na manlilinlang sa mga tao; sapagkat iisa lamang ang Mesiyas na tinutukoy ng mga propeta, at ang Mesiyas na yaon ang siyang itatakwil ng mga Judio.
Sapagkat ayon sa mga salita ng mga propeta, paparito ang Mesiyas sa loob ng anim na raang taon mula sa panahong nilisan ng aking ama ang Jerusalem; at ayon sa mga salita ng mga propeta, at gayon din sa salita ng anghel ng Diyos, ang kanyang magiging pangalan ay Jesucristo, ang Anak ng Diyos.