Ang Mga Propesiya at Mga Turo ni Nephi

Ang Mga Hudyo at Ang Messias

2 Nephi 25:9–10

Ang lahat ng mga kabihasnan ay binabalaan bago sila ay mawasak: Ang Jerusalem ay wawasakin sa pamamagitan ng Babilonya.

At tulad ng pagkalipol ng unang salinlahi ng mga Judio dahil sa kasamaan, gayon din sila nalipol sa bawat sali’t salinlahi alinsunod sa kanilang kasamaan; at hindi kailanman nalipol ang sino man sa kanila maliban lamang na ito ay ibinadya sa kanila ng mga propeta ng Panginoon.

Dahil dito, nasabi ko sa kanila ang hinggil sa pagkawasak na sasapit sa kanila, pagkatapos na pagkatapos lisanin ng aking ama ang Jerusalem; gayon pa man, pinatigas nila ang kanilang mga puso; at alinsunod sa aking propesiya sila ay nalipol, maliban sa mga yaong nadalang bihag sa Babilonia.

2 Nephi 25:11–13

Ang Jerusalem ay palalayain, dadalawin ng Mesiyas ang mga Hudyo, subalit siya'y itatakwil at papatayin, ngunit siya'y mabubuhay na mag-uli.

At ngayon sinasabi ko ito dahil sa espiritu na nasa akin. At bagaman sila ay dinala palayo, sila ay muling magbabalik, at aangkinin ang lupain ng Jerusalem; dahil dito, maibabalik silang muli sa lupaing kanilang mana.

Subalit masdan, magkakaroon sila ng mga digmaan, at alingawngaw ng mga digmaan; at kapag dumating ang araw na ang Bugtong na Anak ng Ama, oo, maging ang Ama ng langit at ng lupa, ay magpapakita ng kanyang sarili sa kanila sa laman, masdan, kanilang itatakwil siya, dahil sa kanilang mga kasamaan, at sa katigasan ng kanilang mga puso, at sa katigasan ng kanilang mga leeg.

Masdan, kanilang ipapako siya sa krus; at matapos siyang ilagay sa libingan sa loob ng tatlong araw ay babangon siya mula sa patay, na may pagpapagaling sa kanyang mga bagwis; at ang lahat ng yaong maniniwala sa kanyang pangalan ay maliligtas sa kaharian ng Diyos. Dahil dito, ang aking kaluluwa ay nalulugod na magpropesiya hinggil sa kanya, sapagkat nakita ko ang kanyang panahon, at ipinagmamalaki ng aking puso ang kanyang banal na pangalan.

2 Nephi 25:14–16

Matapos ng pagkabuhay na mag-uli ng Mesias, ang Jerusalem ay muling wawasakin, at ang mga Hudyo ay ikakalat.

At masdan ito ay mangyayari na matapos bumangon mula sa patay ang Mesiyas, at ipakita ang kanyang sarili sa kanyang mga tao, sa kasindami ng lahat ng maniniwala sa kanyang pangalan, masdan, wawasaking muli ang Jerusalem; sapagkat sa aba nila na kumakalaban sa Diyos at sa mga tao ng kanyang simbahan.

Dahil dito, ang mga Judio ay ikakalat sa lahat ng bansa; oo, at wawasakin din ang Babilonia; dahil dito, ang mga Judio ay ikakalat ng mga ibang bansa.

At matapos silang ikalat, at matapos silang pahirapan ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng mga ibang bansa sa loob ng maraming salinlahi, oo, maging sa bawat sali’t salinlahi hanggang sa sila ay mahikayat na maniwala kay Cristo, ang Anak ng Diyos, at sa pagbabayad-sala, na walang hanggan para sa buong sangkatauhan—at kapag dumating ang araw na yaon na maniniwala sila kay Cristo, at sasambahin ang Ama sa kanyang pangalan, nang may pusong dalisay at malilinis na kamay, at hindi na maghihintay pa ng ibang Mesiyas, doon, sa oras na yaon, darating ang araw na talagang kinakailangang maniwala sila sa mga bagay na ito.

2 Nephi 25:17–19

Ang Mesias ay magpapanumbalik ng kanyang ebanghelyo at titipunin ang mga tao ng Israel.

At muling iuunat ng Panginoon ang kanyang kamay sa ikalawang pagkakataon upang ibalik ang kanyang mga tao mula sa kanilang ligaw at nahulog na kalagayan. Dahil dito, magpapatuloy siyang gumawa ng isang kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain sa mga anak ng tao.

Dahil dito, isisiwalat niya ang kanyang mga salita sa kanila, mga salita na siyang hahatol sa kanila sa huling araw, sapagkat ibibigay ang mga yaon sa kanila sa layuning hikayatin sila sa tunay na Mesiyas, na itinakwil nila; at sa paghihikayat sa kanila na hindi na kinakailangang sila ay maghintay pa sa pagparito ng isang Mesiyas, sapagkat wala nang darating pa, maliban sa isang huwad na Mesiyas na manlilinlang sa mga tao; sapagkat iisa lamang ang Mesiyas na tinutukoy ng mga propeta, at ang Mesiyas na yaon ang siyang itatakwil ng mga Judio.

Sapagkat ayon sa mga salita ng mga propeta, paparito ang Mesiyas sa loob ng anim na raang taon mula sa panahong nilisan ng aking ama ang Jerusalem; at ayon sa mga salita ng mga propeta, at gayon din sa salita ng anghel ng Diyos, ang kanyang magiging pangalan ay Jesucristo, ang Anak ng Diyos.

2 Nephi 25:20

Si Jesukristo ang natatanging daan upang ang kaligtasan ay maaaring matamo.

At ngayon, aking mga kapatid, nagsasalita ako nang malinaw upang hindi kayo magkamali. At yamang buhay ang Panginoong Diyos na naglabas sa Israel mula sa lupain ng Egipto, at nagbigay ng kapangyarihan kay Moises upang mapagaling niya ang mga tao matapos silang matuklaw ng mga makamandag na ahas, kung kanilang ibabaling ang mga paningin sa ahas na itinaas niya sa kanilang harapan, at nagbigay rin ng kapangyarihan sa kanya na hampasin ang malaking bato at bumugso ang tubig; oo, masdan, sinasabi ko sa inyo, na yamang totoo ang mga bagay na ito, at yamang buhay ang Panginoong Diyos, wala nang ibang pangalang ibinigay sa ilalim ng langit maliban dito kay Jesucristo, na aking sinabi, na makaliligtas sa tao.

2 Nephi 25:21–22

Ang kaalaman patungkol sa Mesias ay mapangangalagaan.

Dahil dito, sa kadahilanang ito ay ipinangako sa akin ng Panginoong Diyos na ang mga bagay na ito na aking isinusulat ay itatago at iingatan, at ipapasa-pasa sa aking mga binhi, sa bawat sali’t salinlahi, upang matupad ang pangako kay Jose, na ang kanyang mga binhi ay hindi masasawi habang nakatindig ang mundo. Dahil dito, ang mga bagay na ito ay makararating sa bawat sali’t salinlahi habang nakatindig ang mundo; at ang mga ito ay makararating alinsunod sa kalooban at kasiyahan ng Diyos; at ang mga bansang magmamay-ari ng mga yaon ay hahatulan niyon alinsunod sa mga salitang nasusulat.

2 Nephi 25:23

Sinubukan ni Nephi na hikayatin ang mga tao na maniwala sa Diyos at maligtas ng kanyang biyaya.

Sapagkat masigasig kaming gumagawa upang makasulat, upang hikayatin ang ating mga anak, at ang atin ding mga kapatid, na maniwala kay Cristo, at makipagkasundo sa Diyos; sapagkat nalalaman naming naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa.