Ang Mga Propesiya at Mga Turo ni Nephi

Ang Mga Atas ng Diyos

2 Nephi 26:24–25

Mahal ng Diyos ang sanlibutan, at inaanyayahan ang lahat na makibahagi sa kanyang kaligtasan.

Hindi siya gumagawa ng anumang bagay maliban na lamang kung para sa kapakanan ng sanlibutan; sapagkat mahal niya ang sanlibutan, maging ang kanyang sariling buhay ay inialay niya upang mapalapit ang lahat ng tao sa kanya. Dahil dito, wala siyang inuutusan na hindi sila makababahagi ng kanyang kaligtasan. Masdan, sumisigaw ba siya sa sino man, sinasabing:

Lumayo sa akin?

Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi; kundi sinasabi niya:

Magsilapit sa akin
lahat kayong nasa mga dulo ng mundo,
bumili ng gatas at pulot,
nang walang salapi at walang bayad.

2 Nephi 26:26–28

Ninanais ng Diyos na ang lahat ay lumapit sa kanya.

Masdan, nag-utos ba siya sa sino man
na lumabas sa sinagoga,
o lumabas sa mga bahay-sambahan?

Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi.

Nag-utos ba siya sa sino man
na hindi sila makababahagi ng kanyang kaligtasan?

Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi;
kundi malaya niya itong ibinibigay sa lahat ng tao;
at inutusan niya ang kanyang mga tao
na nararapat nilang hikayatin ang lahat ng tao na magsisi.

Masdan, nag-utos ba ang Panginoon sa sino man
na hindi sila makababahagi ng kanyang kabutihan?

Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi;
kundi lahat ng tao ay may pribilehiyo, ang isa tulad ng iba,
at walang pinagbabawalan.

2 Nephi 26:29–31

Hinahatulan ng Panginoon ang huwad na pagkasaserdote, at inuutusan ang lahat na magkaroon ng pag-ibig sa kapwa tao.

Ipinag-utos niyang hindi dapat magkaroon ng huwad na pagkasaserdote; sapagkat masdan, ang huwad na pagkasaserdote ay upang mangaral ang mga tao at itayo ang kanilang sarili bilang tanglaw ng sanlibutan, upang makakuha sila ng yaman at papuri ng sanlibutan; subalit hindi nila hinahangad ang kapakanan ng Sion.

Masdan, ipinagbabawal ng Panginoon ang bagay na ito; dahil dito, ang Panginoong Diyos ay nagbigay ng isang kautusan na dapat magkaroon ng pag-ibig sa kapwa ang lahat ng tao, kung aling pag-ibig sa kapwa-tao ay pagmamahal. At kung wala silang pag-ibig sa kapwa-tao sila ay walang silbi. Dahil dito, kung mayroon silang pag-ibig sa kapwa-tao ay hindi nila pahihintulutang masawi ang manggagawa sa Sion. Subalit ang manggagawa sa Sion ay gagawa para sa Sion; sapagkat kung gagawa sila para sa salapi, sila ay masasawi.

2 Nephi 26:32–33

Ang Diyos ay nagbibigay ng kautusan para sa ikabubuti ng kanyang mga anak, na siyang kanyang minamahal.

At muli, ipinag-uutos ng Panginoong Diyos na hindi dapat pumaslang ang mga tao; na hindi sila dapat magsinungaling; na hindi sila dapat magnakaw; na hindi nila dapat gamitin ang pangalan ng Panginoon nilang Diyos sa walang kabuluhan; na hindi sila dapat mainggit; na hindi sila dapat maghangad ng masama sa kapwa; na hindi sila dapat makipagtalo sa isa’t isa; na hindi sila dapat gumawa ng pagpapatutot; at hindi nila dapat gawin ang alinman sa mga bagay na ito; sapagkat ang sino mang gagawa ng mga yaon ay masasawi.

Sapagkat wala sa mga kasamaang ito ang nanggagaling sa Panginoon; sapagkat ginagawa niya ang yaong makabubuti sa mga anak ng tao; at wala siyang ginagawa maliban sa ito ay madaling maunawaan ng mga anak ng tao; at inaanyayahan niya silang lahat na lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya; maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae; at naaalaala niya ang mga di binyagan; at pantay-pantay ang lahat sa Diyos, kapwa Judio at Gentil.