At, bagaman naniniwala tayo kay Cristo, ay sinusunod natin ang mga batas ni Moises, at matatag na umaasa kay Cristo, hanggang sa matupad ang mga batas. Sapagkat, sa layuning ito ibinigay ang mga batas; dahil dito nawalang-saysay ang mga batas sa atin, at buhay tayo kay Cristo dahil sa ating pananampalataya; gayon man sinusunod natin ang mga batas dahil sa mga kautusan.
At nangungusap tayo tungkol kay Cristo,
nagagalak tayo kay Cristo,
nangangaral tayo tungkol kay Cristo,
nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo,
at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya,
upang malaman ng ating mga anak
kung kanino sila aasa
para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.
Dahil dito, nangungusap kami hinggil sa mga batas upang malaman ng aming mga anak ang pagkawalang-kabuluhan ng mga batas; at sila, sa pamamagitan ng pagkaalam ng pagkawalang-kabuluhan ng mga batas, ay makaaasa sa buhay na yaong na kay Cristo, at malalaman ang layunin kung bakit ibinigay ang mga batas. At matapos matupad ang mga batas kay Cristo, na hindi nila kinakailangang patigasin pa ang kanilang mga puso laban sa kanya kapag kinakailangan nang palitan ang mga batas.
At ngayon masdan, aking mga tao, kayo ay mga taong matitigas ang leeg; dahil dito, nagsalita ako nang malinaw sa inyo, upang hindi kayo magkamali ng pang-unawa. At ang mga salitang aking sinabi ay tatayong saksi laban sa inyo; sapagkat sapat na ang mga yaon upang turuan ang sino mang tao sa tamang landas; sapagkat ang tamang landas ay maniwala kay Cristo at huwag siyang itatwa; sapagkat sa pagtatatwa sa kanya ay inyo ring itinatatwa ang mga propeta at ang mga batas.
At ngayon masdan, sinasabi ko sa inyo na ang tamang landas ay maniwala kay Cristo, at hindi siya itatwa; at si Cristo ang Banal ng Israel; dahil dito kinakailangan kayong lumuhod sa kanyang harapan, at sambahin siya nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, at nang buo ninyong kaluluwa; at kung gagawin ninyo ito ay hindi mangyayaring kayo ay itataboy. At yayaman din lamang na ito ay kinakailangan, dapat ninyong sundin ang mga gawain at ordenansa ng Diyos hanggang sa matupad ang mga batas na ibinigay kay Moises.