At ngayon masdan, aking mga tao, kayo ay mga taong matitigas ang leeg; dahil dito, nagsalita ako nang malinaw sa inyo, upang hindi kayo magkamali ng pang-unawa. At ang mga salitang aking sinabi ay tatayong saksi laban sa inyo; sapagkat sapat na ang mga yaon upang turuan ang sino mang tao sa tamang landas; sapagkat ang tamang landas ay maniwala kay Cristo at huwag siyang itatwa; sapagkat sa pagtatatwa sa kanya ay inyo ring itinatatwa ang mga propeta at ang mga batas.
At ngayon masdan, sinasabi ko sa inyo na ang tamang landas ay maniwala kay Cristo, at hindi siya itatwa; at si Cristo ang Banal ng Israel; dahil dito kinakailangan kayong lumuhod sa kanyang harapan, at sambahin siya nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, at nang buo ninyong kaluluwa; at kung gagawin ninyo ito ay hindi mangyayaring kayo ay itataboy. At yayaman din lamang na ito ay kinakailangan, dapat ninyong sundin ang mga gawain at ordenansa ng Diyos hanggang sa matupad ang mga batas na ibinigay kay Moises.