Ang Doktrina ni Cristo at Ang Patotoo ni Nephi

Ang Kahalagahan ng Pagbibinyag

2 Nephi 31:4–5

Si Jesus, na siyang banal, ay nabinyagan—ang sangkatauhan, na hindi banal, ay may mas higit na pangangailangang mabinyagan.

Samakatwid, nais kong inyong pakatandaan na nagsalita ako sa inyo hinggil sa yaong propetang ipinakita sa akin ng Panginoon, na siyang magbibinyag sa Kordero ng Diyos, na siyang mag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan.

At ngayon, kung ang Kordero ng Diyos, siya na isang banal, ay kinakailangang mabinyagan sa pamamagitan ng tubig, upang ganapin ang lahat ng katwiran, O gaano pa kaya higit na kinakailangan na tayong mga hindi banal ay mabinyagan, oo, maging sa pamamagitan ng tubig!

2 Nephi 31:6–8

Si Jesus ay nabinyagan upang maisakatuparan ang lahat ng katwiran.

At ngayon, magtatanong ako sa inyo, mga minamahal kong kapatid, paanong ang Kordero ng Diyos ay gumanap sa lahat ng katwiran sa pagpapabinyag sa pamamagitan ng tubig? Hindi ba ninyo nalalaman na siya ay banal?

Ngunit sa kabila ng kanyang pagiging banal, ipinakikita niya sa mga anak ng tao na, ayon sa laman siya sa kanyang sarili ay nagpapakumbaba sa harapan ng Ama, at pinatototohanan sa Ama na siya ay magiging masunurin sa kanya sa pagsunod ng kanyang mga kautusan. Samakatwid, matapos na siya ay mabinyagan sa tubig ang Espiritu Santo ay bumaba na tulad sa isang kalapati sa kanya.

2 Nephi 31:9–11

Si Jesus ay ang halimbawa na susundin.

At muli, iyon ay nagpapakita sa mga anak ng tao ng kakiputan ng landas, at ng kakitiran ng pasukan, na kanilang dapat pasukin, siya na nagbigay ng halimbawa sa harapan nila. At sinabi niya sa mga anak ng tao:

Sumunod kayo sa akin.

Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, makasusunod ba tayo kay Jesus maliban sa tayo ay nakahandang sumunod sa mga kautusan ng Ama? At sinabi ng Ama:

Magsisi kayo, magsisi kayo, at magpabinyag sa pangalan ng Sinisinta kong Anak.

2 Nephi 31:12–13

Bawat tao ay nararapat na sumunod kay Jesus na may buong layunin ng puso sa pamamgitan ng pagpapabinyag at pagsilang-muli.

At gayon din, ang tinig ng Anak ay nangusap sa akin, nagsasabing:

Siya na nabinyagan sa aking pangalan,
sa kanya ay ibibigay ng Ama ang Espiritu Santo, katulad sa akin;
samakatwid, sumunod sa akin, at gawin ang mga bagay na nakita ninyong ginawa ko.

Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, alam ko na kung inyong susundin ang Anak, nang may buong layunin ng puso, nang walang pagkukunwari at walang panlilinlang sa harapan ng Diyos, kundi may tunay na hangarin, nagsisisi sa inyong mga kasalanan, nagpapatotoo sa Ama na nahahanda kayong taglayin sa inyong sarili ang pangalan ni Cristo, sa pamamagitan ng binyag—oo, sa pamamagitan ng pagsunod sa inyong Panginoon at inyong Tagapagligtas doon sa tubig, alinsunod sa kanyang salita, masdan, pagkatapos ay inyong tatanggapin ang Espiritu Santo; oo, at pagkatapos darating ang binyag ng apoy at ng Espiritu Santo; at pagkatapos kayo ay makapagsasalita ng wika ng mga anghel, at sisigaw ng papuri sa Banal ng Israel.