At ngayon ako, si Nephi, ay hindi maisusulat ang lahat ng bagay na itinuro sa aking mga tao; ni ako ay hindi magaling sa pagsusulat, na tulad sa pagsasalita; sapagkat kapag ang isang tao ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang nagdadala nito sa puso ng mga anak ng tao.
Datapwat masdan, marami ang pinatitigas ang kanilang mga puso laban sa Banal na Espiritu, kaya hindi ito magkaroon ng puwang sa kanila, anupa’t kanilang itinapon ang mga bagay na naisulat at itinuring yaon na mga bagay na walang kabuluhan. Datapwat ako, si Nephi, ay isinulat na ang aking naisulat, at itinuturing ko ito na may malaking kahalagahan, at lalung-lalo na sa aking mga tao.
Sapagkat ako ay patuloy na dumadalangin para sa kanila sa araw,
at nababasa ng luha ang aking unan sa gabi,
dahil sa kanila;At ako ay sumasamo sa aking Diyos nang may pananampalataya,
at alam kong diringgin niya ang aking pagsusumamo.
At alam kong ilalaan ng Panginoong Diyos ang aking mga dalangin para sa kapakinabangan ng aking mga tao. At ang mga salitang aking isinulat sa kahinaan ay palalakasin para sa kanila; sapagkat ito ay humihikayat sa kanila na gumawa ng mabuti; ipinaaalam nito sa kanila ang tungkol sa kanilang mga ama; at ito ay nangungusap tungkol kay Jesus, at hinihikayat silang maniwala sa kanya, at magtiis hanggang wakas, na siyang buhay na walang hanggan.
At ito ay nagsasalita nang marahas laban sa kasalanan, alinsunod sa kalinawan ng katotohanan; anupa’t walang taong magagalit sa mga salitang aking isinulat maliban sa siya ay sa espiritu ng diyablo.
Ako ay nagpupuri sa kalinawan;
ako ay nagpupuri sa katotohanan;
ako ay nagpupuri sa aking Jesus,
sapagkat kanyang tinubos ang aking kaluluwa mula sa impiyerno.
May pag-ibig ako sa aking mga tao,
at malaking pananampalataya kay Cristo
na matatagpuan ko ang maraming kaluluwa
na walang bahid-dungis sa kanyang hukumang-luklukan.
May pag-ibig ako sa mga Judio—
(Sinasabi kong Judio,
dahil ang ibig kong tukuyin ay sila na galing sa aking pinagmulan.)
May pag-ibig din ako sa mga Gentil.
Ngunit masdan, wala sa mga ito ang maaasahan ko maliban kung sila ay makipagkasundo kay Cristo, at pumasok sa makitid na pasukan at lumakad sa makipot na landas patungo sa buhay, at magpatuloy sa landas hanggang sa wakas ng araw ng pagsubok.