At ito ay nangyari na, na ito ay nakita ng panginoon ng olibohan, at sinabi sa kanyang tagapagsilbi:
Ikalulungkot kong mawala sa akin ang punong ito; kaya nga, humayo at bumali ng mga sanga mula sa ligaw na punong olibo, at dalhin dito sa akin; at ating puputulin yaong mga punong sanga na nagsisimulang matuyot, at itatapon natin ang mga yaon sa apoy upang ang mga ito ay masunog.
At masdan, wika ng Panginoon ng olibohan, kukunin ko ang marami sa mga sariwa at murang sanga, at ihuhugpong ko ang mga ito saan ko man naisin; at hindi na mahalaga kung sakali mang matuyot ang ugat ng punong ito, iiimbak ko ang bunga niyon para sa aking sarili; anupa’t kukunin ko ang mga sariwa at murang sangang ito at ihuhugpong ko ang mga ito saan ko man naisin.
Iyong kunin ang mga sanga ng ligaw na punong olibo, at ihugpong ang mga ito sa pinagkunan niyon; at itong aking mga pinutol ay itatapon ko sa apoy at susunugin ang mga ito upang hindi makasagabal ang mga ito, sa aking olibohan.
At ito ay nangyari na, na ginawa ng tagapagsilbi ng Panginoon ng olibohan ang naaayon sa salita ng Panginoon ng olibohan, at inihugpong ang mga sanga ng ligaw na punong olibo.
At iniutos ng Panginoon ng olibohan na dapat itong bungkalin sa palibot, at pungusan, at alagaan, sinasabi sa kanyang tagapagsilbi:
Ikalulungkot kong mawala sa akin ang punong ito; samakatwid, na baka sakaling mapangalagaan ko ang mga ugat niyon upang hindi matuyot ang mga ito, upang maalagaan ang mga yaon para sa aking sarili, kung kaya’t ginawa ko ang bagay na ito.
Samakatwid, humayo ka; bantayan ang puno, at alagaan ito, alinsunod sa aking mga salita. At ang mga ito ay ilalagay ko sa pinakamalayong dako ng aking olibohan, saan ko man naisin, hindi na ito mahalaga sa iyo; at gagawin ko ito upang mapangalagaan ko para sa aking sarili ang mga likas na sanga ng puno; at gayon din, upang makapag-imbak ako ng mga bunga sa panahon niyon, para sa aking sarili; sapagkat ikalulungkot kong mawala sa akin ang punong ito at ang bunga niyon.
At ito ay nangyari na, na ang panginoon ng olibohan ay humayo na, at itinago ang mga likas na sanga ng likas na punong olibo sa pinakamalayong dako ng olibohan, ang ilan sa isang dako at ang iba ay sa ibang dako, alinsunod sa kanyang kalooban at kasiyahan.