O, na kayo ay magising; magising mula sa mahimbing na pagkakatulog, oo, maging mula sa pagkakatulog ng impiyerno, at iwagwag ang mga kakila-kilabot na tanikala na sa inyo’y nakagapos, mga tanikalang gumagapos sa mga anak ng tao, na siyang nagdadala sa kanila sa pagkabihag doon sa walang hanggang look ng kalungkutan at kapighatian.
Gumising! At bumangon mula sa alabok,
at makinig sa mga salita ng nanginginig na magulang,
na ang mga biyas ay tiyak na malapit na ninyong ihimlay
sa malamig at tahimik na libingan,
kung saan walang manlalakbay na makababalik;
mga ilang araw na lamang at ako ay yayaon ng lakad ng buong lupa.Ngunit masdan,
tinubos ng Panginoon ang aking kaluluwa mula sa impiyerno;At namasdan ko ang kanyang kaluwalhatian,
at ako ay nayayakap magpakailanman
ng mga bisig ng kanyang pagmamahal.
At nais kong inyong pakatandaang sundin ang mga batas at kahatulan ng Panginoon; masdan, ito ang ikinababalisa ng aking kaluluwa mula pa sa simula. Ang aking puso ay manaka-nakang bumibigat sa kalungkutan, sapagkat ako ay natatakot, na baka sa katigasan ng inyong mga puso ang Panginoon ninyong Diyos ay dumalaw sa inyo sa kaganapan ng kanyang galit, na kayo ay mahiwalay at mamatay magpakailanman; O, na ang isang sumpa ay sumapit sa inyo sa loob ng maraming salinlahi; at kayo ay parurusahan sa pamamagitan ng espada, at ng taggutom, at kapopootan, at aakayin alinsunod sa kagustuhan at pagkabihag ng diyablo.
O mga anak ko, sana’y huwag sumapit sa inyo ang mga bagay na ito, bagkus kayo ay maging isang pinili at mga pinagpalang tao ng Panginoon. Datapwat masdan, masusunod ang kanyang kalooban; sapagkat ang kanyang mga landas ay katwiran magpakailanman. At kanyang sinabi na:
Habang inyong sinusunod ang aking mga kautusan
kayo ay uunlad sa lupain.Datapwat habang hindi ninyo sinusunod ang aking mga kautusan
kayo ay itatakwil mula sa aking harapan.
At ngayon upang ang aking kaluluwa ay magkaroon ng kagalakan sa inyo, at ang aking puso ay lumisan sa daigdig na ito nang may kagalakan dahil sa inyo, upang ako ay hindi madala nang may pagdadalamhati at kalungkutan sa libingan, bumangon kayo mula sa alabok, mga anak ko, at magpakalalaki, at magkaroon ng pagnanais na maging isang isipan at isang puso, nagkakaisa sa lahat ng bagay, upang kayo ay hindi madala sa pagkabihag; Upang kayo ay hindi sumpain ng isang masidhing sumpa; at gayundin, nang hindi ninyo abutin ang galit ng isang makatarungang Diyos sa inyo, tungo sa pagkawasak, oo, ang walang hanggang pagkawasak ng kaluluwa at katawan.
Gumising, mga anak ko; isuot ninyo ang baluti ng kabutihan.
Iwagwag ang mga tanikalang gumagapos sa inyo,
at lumabas mula sa karimlan,
at bumangon mula sa alabok.
Huwag na kayong maghimagsik pa laban sa inyong kapatid, na ang mga pananaw ay puno ng kaluwalhatian, at sumusunod sa mga kautusan mula pa sa panahong ating lisanin ang Jerusalem; at naging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos, sa pagdadala sa atin sa lupang pangako; sapagkat kung hindi dahil sa kanya, tayo sana ay tiyak na nangasawi sa gutom sa ilang; gayon pa man, hinangad ninyong kitlin ang kanyang buhay; oo, at siya ay nagdanas ng maraming kalungkutan dahil sa inyo.
At ako ay labis na natatakot at nanginginig dahil sa inyo, na baka siya ay muling magdusa; sapagkat masdan, inyo siyang pinararatangan na siya ay naghahangad na magkaroon ng kapangyarihan at karapatan sa inyo; ngunit alam kong hindi siya naghahangad na magkaroon ng kapangyarihan at karapatan sa inyo, bagkus, ang kaluwalhatian ng Diyos ang hinahangad niya, at ang inyong walang hanggang kapakanan.
At kayo ay bumulung-bulong dahil sa siya ay naging tapat sa inyo. Sinabi ninyo na siya ay gumamit ng katalasan; sinabi ninyo na siya ay galit sa inyo; datapwat masdan, ang kanyang katalasan ay katalasan ng kapangyarihan ng salita ng Diyos, na nasa kanya; at yaong tinatawag ninyong galit ay katotohanan, alinsunod sa yaong nasa Diyos, na hindi niya mapigil, walang takot na ipinamumukha ang hinggil sa inyong mga kasamaan.
At talagang kinakailangan na ang kapangyarihan ng Diyos ay mapasakanya, maging sa kanyang pag-uutos sa inyo na kayo ay kinakailangang sumunod. Datapwat masdan, ito ay hindi siya, kundi ito ang Espiritu ng Panginoon na nasa kanya, na nagbubukas ng kanyang bibig sa pagsasalita kaya’t hindi niya ito maitikom.
At ngayon anak ko, Laman, at kayo rin Lemuel, at Sam, at kayo ring mga anak ko na mga anak na lalaki ni Ismael, masdan, kung kayo ay makikinig sa tinig ni Nephi, hindi kayo masasawi. At kung kayo ay makikinig sa kanya ay igagawad ko sa inyo ang isang pagbabasbas, oo, maging ang aking unang pagbabasbas. Datapwat kung hindi kayo makikinig sa kanya ay babawiin ko ang aking unang pagbabasbas, oo, maging ang aking pagbabasbas, at ito ay mapapasakanya.
At ngayon, Zoram, ako ay nangungusap sa iyo: Masdan, ikaw ay tagapagsilbi ni Laban; gayunman, ikaw ay inilabas sa lupain ng Jerusalem, at alam ko na ikaw ay isang tunay na kaibigan ng aking anak na si Nephi, magpakailanman. Kung gayon, sapagkat ikaw ay naging matapat ang iyong mga binhi ay pagpapalain kasama ng kanyang mga binhi, kung kaya’t sila’y maninirahan sa kasaganaan nang mahabang panahon sa ibabaw ng lupaing ito; at wala, maliban sa kasamaan sa kanila, ang makapipinsala o makagagambala sa kanilang kasaganaan sa ibabaw ng lupaing ito magpakailanman. Anupa’t kung susundin mo ang mga kautusan ng Panginoon, ilalaan ng Panginoon ang lupaing ito para sa katiwasayan ng iyong mga binhi, kasama ng mga binhi ng aking anak.