At ito ay nangyari na, na matapos ang dalawang taon na si Abinadi ay nagtungo sa kanila na nakabalatkayo, [i]2438[/i] kung kaya’t hindi nila siya nakilala, at nagsimulang magpropesiya sa kanila, sinasabing:
Sa ganito ako inutusan ng Panginoon, sinasabing—
‘Abinadi, humayo at magpropesiya sa aking mga tao, sapagkat pinatigas nila ang kanilang mga puso laban sa aking mga salita; sila ay hindi nagsisi sa kanilang masasamang gawa; samakatwid, parurusahan ko sila sa aking galit, oo, sa aking masidhing galit sila ay aking parurusahan sa kanilang mga kasamaan at karumal-dumal na gawain. Oo, sa aba sa salinlahing ito!’
At sinabi sa akin ng Panginoon:
‘Iunat mo ang iyong kamay at magpropesiya, sabihing:
‘Ganito ang wika ng Panginoon, ito ay mangyayari na ang salinlahing ito, dahil sa kanilang mga kasamaan, ay madadala sa pagkaalipin, at masasampal sa pisngi; oo, at itataboy ng mga tao, at papatayin; at ang mga buwitre sa himpapawid, at ang mga aso, oo, at ang mababangis na hayop, ay sisilain ang kanilang laman.
‘At ito ay mangyayari na ang buhay ni haring Noe ay pahahalagahan ng tulad sa isang kasuotan sa loob ng mainit na hurno; sapagkat makikilala niya na ako ang Panginoon. At ito ay mangyayari na parurusahan ko ang mga tao kong ito ng masidhing paghihirap, oo, ng taggutom at ng salot; at pananaghuyin ko sila sa buong maghapon.
‘Oo, at aking papapangyarihin na sila’y magkaroon ng mga pasanin sa kanilang mga likuran; at ipagtatabuyan silang tulad ng asnong hangal. At ito ay mangyayari na magpapadala ako ng yelong ulan sa kanila, at pahihirapan sila nito; at babagabagin din sila ng hanging silangan; at guguluhin din ng mga kulisap ang kanilang lupain, at lalamunin ang kanilang butil. At babagabagin sila ng malupit na salot—at gagawin ko ang lahat ng ito dahil sa kanilang mga kasamaan at karumal-dumal na gawain.
‘At ito ay mangyayari na maliban kung magsisisi sila, ay lubusan ko silang lilipulin mula sa balat ng lupa; subalit mag-iiwan sila ng talaan, at pangangalagaan ko ang mga ito para sa mga ibang bansang magmamay-ari sa lupain; oo, maging ito ay aking gagawin upang maipaalam ko ang mga karumal-dumal na gawain ng mga taong ito sa mga ibang bansa.’ ’
At marami pang bagay ang iprinopesiya ni Abinadi laban sa mga taong ito. [i]2770[/i]