At ito ay nangyari na, na ang mga tao ay nagsimulang bumulung-bulong sa hari dahil sa kanilang mga paghihirap; at nagsimula silang maghangad na humayo laban sa kanila sa pakikidigma. At labis nilang binagabag ang hari ng kanilang mga daing; kaya nga, pinahintulutan niya silang gawin ang alinsunod sa kanilang mga naisin.
At muli nilang kinalap ang kanilang sarili, at isinuot ang kanilang baluti, at humayo laban sa mga Lamanita upang itaboy silang palabas ng kanilang lupain. At ito ay nangyari na, na tinalo sila ng mga Lamanita, at naitaboy silang pabalik, at napatay ang marami sa kanila. At ngayon, nagkaroon ng labis na pagdadalamhati at pananaghoy sa mga tao ni Limhi, ang balong babae ay nagdadalamhati dahil sa kanyang asawa, ang anak na lalaki at anak na babae ay nagdadalamhati dahil sa kanilang ama, at ang mga kapatid na lalaki dahil sa kanilang mga kapatid. Ngayon, nagkaroon ng napakaraming balo sa lupain, at nagpalahaw sila nang labis sa araw-araw, sapagkat nagkaroon sila ng labis na pagkatakot sa mga Lamanita.
At ito ay nangyari na, na ang kanilang patuloy na pagpalahaw ay pumukaw sa mga nalalabing tao ni Limhi na magalit laban sa mga Lamanita; at muli silang nakidigma, subalit muli silang naitaboy pabalik, na nagdusa ng malaking kawalan.
Oo, muli silang nakidigma, maging sa ikatlong pagkakataon, at nagdusa sa gayon ding paraan; at yaong mga hindi napatay ay muling bumalik sa lunsod ng Nephi. [i]1166[/i]